Hinuli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang TNVS at isang taxi na bukod sa naniningil sila nang sobra sa mga pasahero, bumibiyahe pa ang isa sa kanila na lagpas sa kanilang boundary sa Pampanga.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ikinasa ng LTFRB Region 3 ang kanilang anti-colorum operations matapos silang makatanggap ng mga sumbong.
Tinarget ng mga awtoridad ang mga nagsasakay sa Jose Abad Santos Avenue sa San Fernando sa Pampanga pabiyaheng Metro Manila.
Unang hinuli ang TNVS, na namataang may sakay na apat na pasaherong biyaheng Metro Manila.
Siningil ng TNVS ang mga pasahero ng P600, na malayo sa P100 lang na pamasahe sa bus.
Kahit valid ang prangkisa ng TNVS driver, hindi naman siya maaaring bumiyahe sa labas ng Pampanga.
Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang driver.
Sunod namang hinuli ang taxi na bagama't puwedeng bumiyahe sa anomang lugar sa Luzon, hindi naman siya puwedeng mangontrata.
"Bale sila po ang nagsabi sa akin na ang binabayad nila P500 po isang ulo, so isinakay ko na po, nag-arimuhan lang po ako," giit ng driver.
Matapos nito, binaba ang mga pasahero at dinala sa terminal, at in-impound naman ang TNVS at mahaharap ang operator sa paglabag sa prangkisa.
Pagmumultahin ang TNVS driver ng P120,000 at posible pang bawiin ang kaniyang prangkisa.
Tiniketan naman ang taxi driver dahil sa pangongontrata.
Pareho ring mahaharap ang mga driver sa paglabag sa health and safety protocols ng mga pampublikong sasakyan.
Sa kasalukuyan, mga bus pa lang ang pinapayagang bumiyahe mula Pampanga hanggang Metro Manila.
Bukod sa mga temperature check at health declaration, dapat meron ding travel authority o medical certificate ang mga pasahero.