Iminungkahi ng Department of Trade and Industry sa Inter-Agency Task Force nitong Lunes na pahintulutan na ang mga menor de edad na pitong-taong-gulang pataas na makapasok na rin sa mga mall bilang bahagi ng programang palakasin na muli ang ekonomiya ng bansa.
Ginawa ni DTI Secretary Ramon Lopez ang mungkahi kaugnay na rin sa papalapit na Pasko, ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes.
Pero ang kaniyang mungkahi ay para lamang sa pagbili ng mga pangangailangan at kung kakain sa mall.
Ang mga palaruan, katulad ng arcade ay mananatili pa ring sarado upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Sinabi pa ni Lopez na maaaring ang lokal na pamahalaan ang magtakda ng edad ng mga batang nais papasukin sa mall depende sa sitwasyon ngCOVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Nitong nakaraang Oktubre, pinayagan na ng IATF ang mga nasa edad 15 hanggang 65 na makalabas na ng bahay.
Sa ngayon, mayroon nang 431,630 na naitalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at 8,392 ang nasawi. — FRJ, GMA News