Inaasahan na magdudulot ng malakas na pag-ulan at hangin ang bagyong "Rolly", at una raw itong mararamdaman sa Bicol Region sa Sabado ng gabi, ayon kay GMA resident meteorologist Nathaniel “Mang Tani” Cruz.
Sa ulat ni Mang Tani sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi niya na asahan ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong weekened.
Inaasahan na tatama si "Rolly" sa kalupuan ng Aurora-Quezon area sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga.
Nitong Biyernes, nakataas na ang storm signal number 1 sa Catanduanes.
Sa Linggo ay asahan umano ang mas matinding pag-ulan sa Bicol Region, Aurora, Quezon at maging sa Cagayan Valley.
Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hangin na hanggang 185 kilometer per hour malapit sa gitna, at pagbugso na hanggang 230 kph, at kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.
Ayon pa kay Mang Tani, matapos tumama ang bagyo na posibleng sa Polilio Island o Aurora-Quezon, tatawirin naman ni Rolly ang Central Luzon.
Dahil sa malakas ang bagyo, posible umanong umabot sa signal number 4 ang ideklara sa mga lugar na dadaanan ni Rolly.
Sa Metro Manila, sinabi ni Mang Tani na maaaring umabot sa 100 kph ang hangin ni Rolly sa Linggo ng gabi at maaaring umabot sa signal number 3 ang ideklara sa lugar.
Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ang bagyo ng hanggang 2.0 meters na daluyong sa coastal areas ng Aurora, Quezon, Marinduque, Bicol Region, at Northern Samar.
Bukod kay Rolly, binabantayan din ng PAGASA ang isa pang posibleng maging bagyo at inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa Linggo o Lunes.--FRJ, GMA News