Sinabi ng Malacañang na karapatan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago na magpahayag ng sariling pananaw kaugnay sa mga pangyayari sa nakakulong na aktibistang si Reina Mae Nasino, na namatayan ng anak.
“Hindi naman po kasi related sa MMDA iyang issue na iyan. So hayaan po natin na magkaroon ng personal na opinyon si spokesperson Pialago,” paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque sa pulong balitaan nitong Lunes.
Umani ng batikos si Pialago dahil sa kaniyang Facebook post na dapat umanong alamin ng publiko ang istorya ni Nasino bago maglaan ng simpatiya matapos mawalan ng anak.
Tinawag ni Pialogo na ginagawang "drama serye" ang nangyari kay Reina Mae.
Matapos umani ng mga batikos, humingi ng paumanhin si Pialago kay Nasino at mga inang nawalan ng anak. Pero hindi niya binawi ang pagtawag niya sa nangyari na "drama serye" dahil may mga tao umanong sinamantala ang sitwasyon ni Nasino.
Isang urban poor organizer, nahaharap si Nasino sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Nang pumanaw ang sanggol niyang anak na nakahiwalay sa kaniya na si River, pinayagan siyang makalabas ng piitan ng kulungan ng anim na oras para makapunta sa burol at libing ng bata.
Pero binatikos ng mga tagasuporta ni Nasino ang mahigpit na seguridad na ibinigay kay Nasino na hindi inalisan ng posas.
Ngunit giit ng Department of the Interior and Local Government, nararapat at hindi "overkill" ang ginawang pagbabantay kay Nasino.
Inihatid sa huling hantungan si Baby River noong Biyernes. — FRJ, GMA News