Nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan pa ang rehabilitasyon ng Marawi na nawasak sa bakbakan ng tropa ng pamahalaan laban sa teroristang grupo noong 2017. Ito ay sa kabila ng pagtiyak ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na matatapos ang rehabilitasyon ng lungsod sa Disyembre 2021.

“Let’s just say that we are satisfied but the President of course would appreciate it if it can be hastened,” sabi ni presidential spokesman Harry Roque sa pulong balitaan nitong Lunes.

Ginawa ni Roque ang pahayag kasabay ng paggunita sa ikatlong taong anibersaryo ng madugong labanan ng tropa ng pamahalaan kontra sa teroristang Maute group.

Ayon kay Task Force Bangon Marawi chief Eduardo del Rosario, target nilang matapos ang pagsasaayos sa nawasak na lungsod sa Diyembre 2021, o anim na buwan bago matapos ang termino ni Duterte.

Bilyon-bilyong pondo na ang ginugol sa pagsasaayos ng Marawi, at maging sa bayan ng Butig at Piagapo sa Lanao del Sur.

Ang Marawi Reconstruction Conflict Watch, isang autonomous monitoring group, nababagalan sa ginagawang proyekto para makabangon muli ang mga mamamayan ng lungsod.

"It has been three years since the government declared our city liberated, but there is no real liberation to speak of. Most of us have not been allowed to return to our homes and rebuild our lives," saad ng grupo sa isang pahayag.

"There has been no compensation for the damages to our personal properties. Thousands of us remain in shelters and housing projects in dire conditions, with sanitation and the supply of basic utilities wanting," dagdag nila.

Maging si Vice President Leni Robredo ay nananawagan sa pamahalaan na bilisan ang mga proyekto para makabalik sa normal na pamumuhay ang mga tao.

“Today we remember the Marawi we lost, even as we renew the call for a more urgent approach to the rehabilitation process, and recommit to the rebuilding of a more peaceful and prosperous city,” anang pangalawang pangulo.

“Insha Allah, makakabangon tayong muli,” saad pa niya.

Ayon sa MRCW, bukod sa mabagal umano ang rehabilitasyon, hindi rin umano sapat ang pondong inilalaan sa pagbangon ng Marawi.

"Even if some have benefited from what has been achieved so far, the majority of our people haven't. The sad fact remains that progress is slow, funds are lacking, and implementation could be improved," giit ng grupo. --FRJ, GMA News