Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na pinag-aaralan nila na gawing dalawang araw ang botohan sa 2022 elections kung magpapatuloy pa ang COVID-19 pandemic sa naturang taon. Kasabay nito, tinanong ng isang mambabatas kung ikinukonsidera rin ba ang ahensiya na ipagpaliban ang eleksiyon kung tatagal pa ng hanggang 2022 ang pandemic.
Ginawa ni House Deputy Majority Leader Mikey Arroyo ang tanong tungkol sa posibilidad na ipagpaliban ang halalan sa ginanap na pagdinig ng Kamara de Representantes sa panukalang budget ng Comelec sa 2021.
Inalam ni Arroyo kung may "Plan B" ang Comelec at kung ikinukonsidera nila na ipagpaliban ang May 2022 elections kung tatagal pa hanggang sa naturang taon ang COVID-19 pandemic para sa kaligtasan na rin ng mga tao.
"I've been doing my share of reading about this pandemic and it seems that, assuming for the sake of argument that nothing goes wrong, the earliest that the vaccine will be available in our country for everybody, maybe September or October next year," saad niya.
"The thought that we will postpone the elections, has that ever triggered in your mind?" tanong ng mambabatas.
Tugon naman ni Comelec chairperson Sheriff Abas, sa ngayon ay wala sa isip nila na iurong ang petsa ng 2022 elections.
"Hindi po talaga. Because alam naman natin that this is a constitutional mandate at fixed yung nilagay," paliwanag ng opisyal.
Ayon naman kay Comelec executive director Bartolome Sinocruz, pinag-aaralan umano ng ahensiya ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga botante sa pagsapit ng halalan. Kabilang na rito ang gawing dalawang araw ang pagboto ng mga tao.
"Insofar as Election Day, we're looking at the idea of holding the elections not just in one day but for two days. So para ma-regulate natin yung mga boboto. Some precincts will vote on the first day, some precincts will vote on the second day," paliwanag niya.
"We are assuming that the COVID-19, although we are optimistic na by the time na 2022, may vaccine na, we're assuming na baka hindi rin mangyari yun so yung mga preparasyon namin will include anti-COVID measures," dagdag niya.
Gayunman, ikokonsidera umano ng Comelec ang tanong ni Arroyo [na ipagpaliban ang halalan], ayon kay Abas.
"Well taken yung comment ni Cong. Arroyo. Medyo mabigat na usapin 'yan but rest assured titingnan natin kung paano magdedevelop ang sitwasyon natin sa health," patuloy niya.
Nakatakdang idaos ang susunod na halalan sa May 9, 2022, kung saan kabilang sa ihahalal ay ang bagong pangulo at bise presidente ng bansa. — FRJ, GMA News