Nais ng isang komite sa Kamara de Representantes na maghain ng panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ireporma ang PhilHealth.
"As agreed by the committee, we will be filing an Emergency Powers Act," sabi ni House Committee on Public Accounts chair Mike Defensor nitong Miyerkules.
"This was done in the past, marami na tayong naging precedent na nagkaroon ng isang batas para bigyan ng emergency powers ang ating Pangulo, ang Ehekutibo," dagdag niya.
Ayon kay Defensor, makatutulong ang ibibigay na emergency powers kay Duterte para ireporma ang PhilHealth, na ang mga opisyal ay inaakusahan sa iba't ibang uri ng katiwalian.
"Sa kaso ng PhilHealth ngayon, under the leadership of Atty. Dante Gierran, kinakailangan niya na maglagay ng mga personnel, tumulong sa kaniya immediately, puwede ring mga kumpanya na umalalay sa kanya sa IT," sabi ng mambabatas.
Si Gierran, dating director ng National Bureau of Investigation, ay itinalaga ni Duterte na bagong PhilHealth president and CEO, kapalit ng nagbitiw na si Ricardo Morales.
Nagbitiw si Morales dahil umano sa isyu ng kaniyang kalusugan.
Naganap ang kaniyang pagbibitiw sa harap ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado, Kamara, at government task force, tungkol sa umanong mga katiwaliang nagaganap sa ahensiya.
"And so we will give that powers to him. And to reorganize PhilHealth as they seem fit," giit ni Defensor.
Dumalo sa naturang pagdinig si Health Secretary Francisco Duque III, at nagpahayag ng suporta sa mungkahi ng mga mambabatas.
"Maganda yung iyong panukala na bigyan ng karagdagan na kapangyarihan si Pangulong Duterte para mabilis ang reporma na isailalim ang PhilHealth," anang kalihim.
Kasama sina Duque at Morales na inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na kasuhan dahil sa umano'y mga iregularidad sa PhilHealth.
Pinabulaanan naman ng dalawang opisyal ang mga paratang laban sa kanila.
Suportado rin ni Justice Undersecretary Adrian Sugay, ang mungkahing emergency powers sa pangulo para sa PhilHealth.
"We fully support this initiative on this part of Congress kasi alam naman natin kung gaano kahalaga ang ginagampanan ng PhilHealth," saad niya.
"Kung ano ang kinakailangan sa tingin ng Kongreso para maayos ang mga issues ng PhilHealth, kami ay sumusuporta nang lubos," patuloy ni Sugay.
Matapos wakasan ng House Committees on Public Accounts at Good Government ang kanilang imbestigasyon tungkol sa umano'y mga katiwalian sa PhilHealth, isang technical working group ang bubuuin para ihanda ang mga magiging rekomendasyon sa resulta ng ginawang mga pagdinig.--FRJ, GMA News