Dahil sa walang tigil na alegasyon ng katiwalian na nagaganap sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), nais ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri na isang finance expert na ang mamahala sa ahensiya.
Iminungkahi ng senador ang 41-anyos na si acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, ang ipalit bilang pinuno ng PhilHealth.
"He's my choice. Ang pinakamaganda ilagay bilang pinuno ng PhilHealth ay isang finance expert," ani Zubiri.
"I've never heard of any complaint when it comes to his credibility or his work ethics. Napakagaling ng work ethics niya... Sanay na sa budgeting 'yang si Karl. Numbers expert siya, ang ibig kong sabihin mahuhuli niya ang discrepancies na ito," patuloy ng senador.
Naupong acting secretary ng National Economic and Development Authority (NEDA) si Chua noong Abril matapos magbitiw ang dating pinuno ng ahensiya na si Ernesto Pernia sa harap ng krisis na dulot ng COVID-19.
Ang kasalukuyang president at CEO ng PhilHealth na si Ricardo Morales, na humaharap sa imbestigasyon ng Kongreso tungkol sa alegasyon ng katiwaluan sa ahensiya ay nakatakdang mag-medical leave sa susunod na linggo dahil sa sakit na lymphoma.
May mga panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng "caretaker" sa PhilHealth habang isinasagawa ang imbestigasyon.--FRJ, GMA News