Nakalabas na ng ospital ngayong Miyerkules si House Deputy Speaker at Basilan Representative Mujiv Hataman at ang kaniyang asawa matapos na gumaling sa COVID-19.

Sa kaniyang Facebook post, nanawagan ang mambabatas na itigil ang diskriminasyon sa mga tinamaan ng virus, at hinikayat ang mga nakararamdam ng sintomas ng COVID-19 na lumabas at magpasuri.

"We denounce the unfair treatment or discrimination some people are giving those who are unfortunate enough to contract this disease. Bilang isa sa mga tinamaan ng sakit na dulot ng COVID-19, ang masasabi ko lang sa inyo ay hindi biro ang virus na ito," ayon sa mambabatas.

Iginiit niya na hindi nararapat ang diskriminasyon lalo na ngayong may pandemiya.

"In this time of crisis, we should show compassion, and all the more that we need to be one in fighting this virus.

Hinikayat niya ang mga tinamaan ng virus na lumantad para mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.

"We also want to encourage those who are infected with the virus to come forward and make themselves known. Ito ay para matulungan kayo nang tama at makagawa ng mga hakbang para hindi na makapanghawa pa," payo ng mambabatas.

Nitong nakaraang Agosto 1 nang ihayag ni Hataman na nagpositibo sila ng kaniyang asawa na si Isabela City Mayor Sitti Djalia "Dadah" Turabin-Hataman, sa COVID-19.

Nagpasalamat naman ang mambabatas sa mga duktor at nurse na nag-asikaso sa kanila, at sa mga nagdasal para sa kanilang paggaling.

Inihayag din ni Hataman na negatibo naman sa virus ang kanilang mga anak at iba pa nilang kasama sa bahay.

Nitong Miyerkules din, nakalabas na rin ng ospital ang TV host at comedian na si Donita Nose matapos na magtagumpay din sa laban sa virus.--FRJ, GMA News