Siyam ang arestado sa isang restobar sa Caloocan City dahil umano sa hindi pagsunod sa social distancing at pagbibilyar ng may pustahan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.
Kita sa surveillance video ng pulisya na nagkukumpulan ang mga tao at ang iba sa kanila ay walang face mask.
Napag-alaman din na walang thermal scanner, foot bath at hand sanitizer ang restobar na labag din sa quarantine protocols.
"Nakita namin na may nagsusugal, nagbibilyar at malakihan ang pustahan," ani Lieutenant Colonel Dennis Rodriguez ng CIDG-CAMANAVA.
Kabilang sa mga naaresto ang may-ari ng restobar at ang mga naglalaro ng bilyar.
Paliwanag ng may-ari ng bar, hindi pa bukas ang establisimyento at umuupa lang sa kaniya ang nagpapatakbo ng bilyaran.
Aminado naman ang mga nagbibilyar na naglalaro sila pero may social distancing naman daw. --KBK, GMA News