Nakapagtala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 31 aksidente sa EDSA na nabangga ng mga motorista ang mga inilagay na concrete barrier sa naturang highway ngayong Hunyo. Pero sa kabila nito, wala raw balak ang MMDA na alisin o palitan ng mga plastic ang mga harang.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naitala ang mga aksidente mula Hunyo 1 hanggang 22. Sa naturang bilang, 20 aksidente ang naganap sa pagitan ng 6 p.m. hanggang bago mag-6 a.m. na maluwag ang daloy ng trapiko.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, posibleng hindi napapansin ng mga driver ang mga barrier dahil sa bilis ng kanilang pagmamaneho.
"Maiiwasan po ang aksidente kung tayo po ay mananatili lamang sa ating lane, hindi po tayo mag over-speeding kapag madaling araw at 'yun po 'yung dahilan kung bakit nagkakabiglaan po doon sa mga nasabing concrete barriers," paliwanag niya.
Idinagdag pa ng opisyal na hindi nila aalisin ang mga harang dahil sa, "Wala po'ng kasalanan ang concrete barriers."
Reflectorized din naman daw ang concrete barriers kaya dapat makita rin kaagad ng mga morotista.
"Inalis po natin 'yung mga orange [plastic] barriers kasi ito po nililipad kapag malakas po 'yung hangin at ulan. Diyan po naiintindihan natin na mabubulaga po 'yung mga motorista," sabi ni Pialago.
Gayunman, hindi raw sinagot ng ahensiya ang tanong kung naaayon sa international road safety standard ang disenyo ng concrete barriers.
Maglalagay naman daw ang MMDA ng 16 pang solar-powered warning lights sa bungad ng concrete barriers na naghihiwalay sa bus way at linya para sa mga pribadong sasakyan.--FRJ, GMA News