Nakapagtala ng record-high na 1,150 ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong Martes. Ang kabuuang bilang ng mga nagka-virus sa bansa, 31,825 na.

Ayon sa Department of Health (DOH), sa 1,150 na bagong kaso, 789 ang “fresh” o newly validated habang 361 naman ang "late."

Umabot naman sa 8,442 ang mga gumaling matapos na madagdagan ng 299. Samantalang siyam ang nadagdag sa mga pumanaw para sa kabuuang bilang na 1,186.

Ito na ang ika-anim na sunod na araw na umaabot sa 400 ang mga panibagong kaso, at ika-13 sunod na araw para sa paggaling ng higit sa 200 pasyente.

Sa listahan ng "fresh" cases ngayong Martes, 207 dito ang nanggaling sa Metro Manila, 288 mula sa Region VII, habang sa iba pang bahagi ng bansa ang 294.

Sa "late" cases, 110 ang galing sa Metro Manila, 32 ang mula sa Region VII, at mula sa iba't ibang bahagi ng bansa ang 219.

Samantala, inamin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na marami pa ang dapat gawin ng DOH para mapabuti pa ang pagtugon ng ahensiya sa krisis.

Nasabi ito ng opisyal kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kay DOH Secretary Francisco Duque III.

Nitong Lunes ng gabi, muling tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suporta niya kay Duque sa kabila ng isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman.— FRJ, GMA News