Nauwi sa barilan ang pagsita ng mga pulis sa magkaangkas sa motorsiklo na walang helmet at face mask sa Parañaque nitong Linggo. Patay ang isang pulis at ang isang suspek.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing rumesponde ang tatlong pulis sa Baclaran matapos may magreklamo tungkol sa kapitbahay na maingay na nagka-karaoke.
Habang rumeresponde, nakita ng mga pulis at sinita ang magkaangkas na mga suspek na sina Moamar Sarif at Joven Viña, na parehong walang walang suot na face mask at helmet.
Bumaba ang nakaangkas na si Sarif para tumakas pero pinigilan siya ng mga pulis.
Pero ang rider na suspek, nagawang makatakas.
Samantala, nagpangbuno sina Sarif at Police Lieutenant Armand Melad hanggang putukan ng suspek ang pulis na dahilan para matumba.
Tinamaan din ng suspek sa paa ang kasamahan ni Melad na si Police Corporal Allan Baltazar.
Tumakbo palayo habang nagpapaputok si Sarif. Kahit naman sugatan at nakatumba, nagawa pa rin ni Melad na makapagpaputok ng kaniyang baril.
Nagpaputok din ng baril at hinabol ng isa pang pulis si Sarif, na tamaan at kinalaunan ay namatay.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), itinakbo si Melad sa ospital ngunit ‘di nagtagal ay binawian din ng buhay.
Samantala, nakalabas na ng ospital si Baltazar at pinarangalan ng Medalya ng Sugatang Magiting ni Metro Manila police chief Major General Debold Sinas.
Nagsasagawa na ng manhunt ang pulisya para sa nakatakas na si Viña.
“Na-trace rin namin na ‘yung baril na ginamit ni Moamar [Sarif] pagbaril kay Melad ay registered firearm pala. Hinahanap na at nire-report na po namin ‘yung may-ari na sana ‘yung may-ari, kung puwede, pumunta siya sa Parañaque kasi kasama siya sa investigation,” ayon kay Sinas.
Ayon sa PNP ay may record na si Sarif noong 2019 para sa mga krimeng may kinalaman sa iligal na droga at illegal possession of a bladed weapon sa Pasay at Parañaque.
Nangako ang PNP na magbibigay ito ng pinansyal na suporta at social benefits para kay Melad at Baltazar. --Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News