Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang isang mag-live-in sa Caloocan City, madaling-araw nitong Huwebes.
Sa ulat ng Unang Balita, sinabing nakadapa sa sala ang lalaking kinilalang si Alfie Hingabay, at nakaupo hindi kalayuan ang partner nitong si Mona Rose Safe.
Kapwa may tama ng bala sa ulo at wala nang buhay nang madatnan bago mag ala-una ng madaling araw nga mga pulis at kamag-anak ang mga biktima sa kanilang inuupahang bahay sa Bagong Silang, North Caloocan.
Pahayag ng isang kapit-bahay, nagising na lamang siya nang makarinig ng malakas na kalabog na inaakala niyang may nagmamartilyo lang.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, sapilitang pinasok ang bahay at tinanaggal pa ang pintuan.
Iniimbestigahan pa ang motibo sa krimen at kung sinu-sino ang mga salarin.
Ayon sa mga awtoridad, dati nang nakulong si Hingabay dahil sa kasong murder. —LBG, GMA News