Ang kabiguan umano ng kampo ni Rappler CEO Maria Ressa na makapagsumite ng matibay na katibayan para maidepensa ang sarili sa kasong cyber libel na inihain ng isang negosyante ang dahilan kaya umano naglabas ng guilty verdict ang korte sa Maynila, ayon sa Malacañang.
Nitong Lunes, hinatulan ng Manila Regional Trial Court Branch 46 si Ressa at dating Rappler researcher Reynaldo Santos Jr., na makulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon matapos mapatunayang nagkasala sa kasong cyber libel.
Pero pinayagan naman silang makapagpiyansa at manatiling malaya habang iniaapela ang hatol.
Sa naging desisyon ni Judge Rainelda Estacio-Montesa, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Martes, na hindi umano nagsumite ng sapat na ebidensiya si Ressa para kontrahin ang akusasyon ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Ang kasong isinampa ni Keng ay tungkol sa isang artikulo na nag-uugnay sa kaniya sa mga kriminal na gawain na umano'y nakasira sa kaniyang reputasyon at pagkatao.
“Paano namang hindi mako-convict si Maria Ressa, hindi naman sila nag-introduce ng evidence na wala silang malice. Ni hindi sila nag-introduce ng evidence na vinerify nila iyong kanilang nire-report na kriminal ang isang pribadong indibidwal bago nila ipinublish, walang ganoong ebidensiyang prinisenta,” sabi ni Roque, na isa ring abogado.
Inihayag ito ni Roque sa televised briefing, at muling iginiit na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang hatol ng korte.
“Para ngang gusto niyang ma-convict. Well, ayan po, na-convict nga,” anang opisyal.
Ayon sa korte, hindi bineripika ng mga akusado ang "intelligence report" na nag-uugnay kay Keng sa human trafficking at drug smuggling. Hindi rin umano umupo sa witness stand sina Ressa o Santos.
Hindi rin sinang-ayunan ng korte ang depensa ng kampo ni Ressa, na "executive editor" ng Rappler, na hindi siya dapat managot sa artikulo dahil hindi naman siya ang nag-e-edit ng mga balitang inilalathala.
Nitong Lunes, sinabi ni Ressa na ang naging hatol sa kaniya ay "pivotal moment" sa demokrasya at malayang pamamahayag.
Dati na rin sinabi ng mamamahayag na ang mga kasong isinampa laban sa kaniya ay paraan lang ng panggigipit.--FRJ, GMA News