Nasa 46 na barangay captains sa Maynila ang pinagpapaliwanag ni Mayor Isko Moreno dahil sa mga sumbong ng umano'y katiwalian sa pamamahagi ng mga ayuda sa kanilang mga nasasakupan. Ang isa sa mga punong barangay na iniimbestigahan, itinago raw ang mga spaghetti at sauce sa halip na ipinamigay sa mga tao.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang punong barangay na inaakusang nagtago raw ng mga spaghetti at sauce na si Chairman Edgardo Fohas ng Barangay 61 sa 46.
Hindi umano ipinamigay ni Fohas ng relief na spaghetti sauce at noodles bago mag-lockdown sa Tondo noong Mayo 3, bagay na itinanggi ng punong barangay.
Nalaman ang naturang pagtatago umano ng mga spaghetti sauce at noodles sa social media post ng isang concerned citizen nang makita umano ang produkto sa isang barangay post.
"Dahil nga doon sa various complains na ginulangan nila, tinanggalan nila ng sardinas, wala 'yung spaghetti, may sauce. Kaya lang, sa ginawa naming imbestigasyon, mas lumaki pa 'yung sakop nang nakita sa pag-scrutinize namin noong sinubmit nila na liquidation," sabi ni Rosalino Ibay, Jr. ng Special Mayor's Reaction Team.
Paliwanag naman ni Fohas, sadyang kulang daw ang dumating na food packs ng spaghetti at bigas sa kanila mula sa city hall. Para sa 599 na pamilya lamang daw ang dumating habang 880 pamilya ang nasa kaniyang barangay.
Kaya nagpalabas daw sila ng barangay resolution kung saan napagkasunduang paghahati-hatiin ang bawat set ng spaghetti noodles at sauce sa dalawang pamilya.
Pero ang problema, nagkamali raw pagkakaintindi ang isang kagawad.
"Binigyan niya 'yung tao ng bigas, ng sauce lang, 'yung iba spaghetti lang so nagkaroon ng grievances ang tao. So 'yung time na ito, ito namang spaghetti na natira niya which is two boxes tsaka ilang butal, itinago niya sa day care. Andoon ang spaghetti, nasa loob ng barangay day care. Hindi ko naman po inano eh," paliwanag ni Fojas.
Ayon pa kay Fojas, walang reklamo ang mga residente sa food distribution bago ang lockdown. Nagkasamaan lang ng loob nang hindi nabigyan ng Social Amelioration Program ng DSWD ang ibang residente.
"DSWD ang deciding factor, merong na-reject na may 4Ps pala, merong silang pension, merong mga may GSIS, may mga anak sa abroad, hindi nila ngayon matanggap," sabi ni Fohas.--Jamil Santos/FRJ, GMA News