Ibinato ni Buhay party-list Representative Lito Atienza kay Speaker Alan Peter Cayetano ang sisi sa pagtigil sa operasyon ng ABS-CBN dahil sa kawalan ng bagong prangkisa.

Sa panayam sa ANC nitong Miyerkules, humingi ng paumanhin si Atienza bilang bahagi ng Kamara de Representantes dahil sa kabiguan nilang maipasa ang panukalang batas na magbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN.

Nitong Martes, iniutos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN na itigil ang kanilang operasyon dahil sa kawalan ng prangkisa.

"Kasalanan namin ito, kasalanan ng Kongreso ito. But more important, I'd like to say squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito. Pagkukulang niya ito sa bayan," ani Atienza.

"He will have a lot to explain one day. It may not be today, but later on this issue will hound him because he is the one who did not do his job," dagdag niya.

Nauunawaan naman daw ni Atienza ang NTC na ginagawa lang ang kanilang trabaho nang magpalabas ng  cease and desist order laban sa ABS-CBN.

Hindi rin sinisisi ng kongresista ang MalacaƱang dahil wala umano itong tungkulin sa pag-apruba ng prangkisa.

Ang prangkisa na ibinibigay sa mga television network ay nagmumula sa Kamara de Representantes, na pinamumunuan ngayon ni Cayetano.

"Speaker Cayetano was doing something else. Para siyang si Nero. While Rome was burning, he was playing music in his chamber. Kaya hindi maganda ang ibubunga nito. Congress has failed the Filipino people and we should answer for it," sabi ni Atienza.

Simula nang magbukas ang 18th Congress noong July 2016, may tinatayang 11 panukalang batas ang inihain sa Kamara para ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN na mapapaso sa May 4, 2020.

Pero hindi naaksyunan ang naturang mga panukalang batas.

Gayunman, nagpahayag noon si Cayetano at ang iba pang lider ng Kamara na tutol sila na isara ang ABS-CBN. Idinahilan nila na marami lang mga panukalang batas ang mas mahalaga at kailangan nilang unahing talakayan.

Kompiyansa rin sila na bibigyan ng provisional authority (PA) ng NTC ang ABS-CBN na mag-operate habang nakabinbin sa Kamara ang panukalang batas sa prangkisa ng naturang TV network.

Pero sa halip na PA, cease and desist order ang inilabas ng NTC sa ABS-CBN.

Naniniwala naman si Atienza na panahon pa ang Kamara para makabawi sa nangyari sa media network.

"Hindi pa huli ang lahat. If every member of Congress now speaks up, Speaker Cayetano will be drowned out in his position," ani Atienza.

"I hope every member of Congress starts talking like this. Hindi yung dadaanin natin sa emotion, dadaanin natin sa magagandang statements pero sa totoo lang we are not doing everything inside Congress to force the leadership to act on the matter," dagdag niya.

Hindi pa naglalabas ng pahayag si Cayetano sa mga sinabi ni Atienza.--FRJ, GMA News