Aabot sa 700 kilo ng isda ang namatay –karamihan ay bangus at tilapia –sa isang palaisdaan sa Cebu City simula noong Huwebes, ayon sa mga awtoridad.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa Unang Balita, sinabing nagsilutangan ang mga isda sa palaisdaa sa South Road Properties.

Ayon sa Bantay-Dagat Commission ng lungsod, umabot sa 700 kilo ang mga namatay na isda, at nagsimula ang fish kill noon pang Huwebes.

Dagdag ng ulat, kanya-kaya umano ng bitbit ng mga isdang maaari pang pakinabangan ang mga residente malapit sa palaisdaan, kahit mahigpit na ipinagbabawal ang pamumulot ng mga namatay na isda dahil delikado sa kalusugan.

Ipinasuri na numano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng City Environment and Natural Resourses Office (CENRO) ang mga namatay na isda.

Nakikitang isa sa mga dahilan ng fish kill ng BFAR-7 ay ang mataas na temperatura na naranasan sa Cebu simula noong nakaraan linggo. 

Nakita din ng mga taga-BFAR na mataas ang lebel ng ammonia sa tubig ng Pond A ng palaisdaan.

Nagnegatio na man umano sa bacteriological exam ang tubig. Pero nagbabala pa rin ang BFAR sa publiko na iwasan ang pagkain ng mga isdang nakuha doon dahil baka kontaminado ang mga ito ng iba pang mapanganib na kemikal. —LBG, GMA News