Naaresto sa Caloocan City ang limang miyembro umano ng "Dugo-dugo" gang na nakatangay ng P5 milyon pera at alahas sa kanilang mga nabiktima. Ang mga suspek, nahuli matapos magreklamo ang isa nilang biktima na binentahan nila ng pekeng alahas.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Bernadeth de Guzman, Jhen Sanchez, Julieta Joseph, Diane Crisostomo, at Melvin Pacia.

Ang lima umano ang nasa likod nang panloloko sa isang kasambahay ng kanilang nabiktima sa Barangay Palanan sa Makati City noong October 16.

Sa kuha ng CCTV sa loob ng bahay ng biktima, makikita ang kasambahay na kausap sa telepono na mga suspek.

Sa telepono, nagpakilala umano ang suspek sa kasambahay na kaibigan ng amo nito na naaksidente kaya hindi makapagsalita dahil inoperahan.

Kailangan daw ng amo ng kasambahay ang pera para hindi makasuhan kaya iniutos na kunin ang pera at mga alahas at dalhin sa kanila.

Sa isa pang CCTV sa Recto Avenue sa Maynila, nakita ang kasambahay na nakipagkita sa suspek at iniabot ang mga gamit ng kaniyang amo.

Pero sa isang entrapment operation sa Caloocan City, naaresto ang lima nang nakatanggap ng reklamo ang pulisya mula sa isa pang biktima na nabentahan naman ng mga suspek ng pekeng singsing nitong Miyerkules.

"Yung Budol-budol gang naman eto yung may halong hypnotism na ginagawa so kahapon ay mayroong nabiktima dito sa area ng Novaliches kung saan nabentahan siya ng diamond ring worth ng P15,000," sabi ni  Superintendent Rossel Cejas, Novaliches police station commander.

Nakuha umano sa vault ng mga suspek ang nasa 25 mamahaling relo, at iba't ibang alahas nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon, may pera na aabot sa P65,000, at mga cellphone.

May nakuha ring mga telephone directory kung saan pumipili ng bibiktimahin ang grupo.

Ayon pa sa pulisya, maging sila ay sinubukang suhulan ng mga suspek kapalit ng hindi pag-aresto sa mga ito.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong swindling, estafa at paglabag sa anti-fencing law.-- FRJ, GMA News