Sugatan ang isang babae matapos siyang mahagip ng tren sa pagsagip niya sa kaniyang aso sa riles Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ni Rose Nieva sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Concepcion Pequeña sa Naga City nitong Lunes ng umaga.
Nagtagumpay naman ang 30-anyos na babae na masagip ang aso pero nasagi siya na tren na dahilan para siya matumba.
Dahil sa pagkakasagi ng tren sa biktima, tumilapon siya at tumama sa kaniyang ina na malapit sa kaniya, ayon kay Police Major Juvy Llunar, Station Commander of NCPO Station 2.
Sa kabutihang palad, kapuwa hindi malala ang tinamong pinsala ng mag-ina na dinala sa ospital para masuri.
Ayon kay Llunar, nagtungo naman sa pagamutan ang kinatawan ng Philippine National Railway (PNR) para tulungan ang mag-ina.
Muli naman nagpaalala ang pamunuan ng PNR sa mga residente na malapit sa riles ng tren na maging maingat para maiwasan ang aksidente.
Inaasahan na ililipat ang mga residente na nasa right of way ng mga riles ng PNR kapag isinagawa ang South Long Haul Project.-- FRJ, GMA Integrated News