Itinanghal na kampeon [gold medal] ang Team Germany sa 2023 FIBA World Cup matapos nilang talunin ang Serbia, 83-77, sa kanilang laban sa Mall of Asia Arena nitong Linggo.
Dikitan ang laban ng dalawang koponan sa first half na nagtapos sa 47-all. Sa third period, naghahabol ang Serbia, 55-53, nang bumanat ng 9-0 run ang Germany para dagdagan ang kanilang lamang, 64-53.
Nagposte ng matinding depensa ang Germany at nagawa nilang limitahan ang Sebia sa 10 puntos lang kontra sa 22-puntos nila, 69-57.
Limang minuto ang nalalabi sa fourth period, nagawang tabasin ng Serbia sa apat ang lamang ng Germany, 73-69, pero hindi basta pumayag si Johannes Voigtmann na bumanat naman ng tres, at may sagot naman dito si Aleksa Avramovic para sa Serbia.
Naging kritikal ang mga free throw shot sa magkabilang panig gaya ng ginawa ni Marko Guduric sa nalalabing 39.5 seconds, para maging dikit pa ang laban 79-77.
Ngunit nakakawala si Dennis Schroder sa depensa ng Serbia at makaiskor sa layup para umabante sa apat ang lamang Germany.
Nabigyan pa ng dalawang free throw si Schroder para sa pinal na iskor na 81-77 na pabor sa Germany, at imarka ang kanilang kauna-unahang World Cup finals appearance at kauna-unahang World Cup title.
Iuuwi ng Serbia ang silver medal, habang nakuha ng Canada ang bronze matapos talunin ang Team USA sa overtime, 127-118.
Pawang maglalaro sa 2024 Paris Olympics ang Germany, Serbia, Canada at USA. —FRJ, GMA Integrated News