Ang Canada ang pangatlong pinakamahusay na team [bronze] sa 2023 FIBA World Cup matapos nilang talunin ang koponan ng USA, 127-118, sa kanilang laban na nagkaroon ng overtime na ginanap sa Mall of Asia Arena nitong Linggo.
Sa simula ng fourth period, naghabol ang USA ng 10 puntos at nagawa nilang maagaw ang kalamangan sa 12-0 run, 96-94. Matapos magtabla sa 100, naging dikit na ang laban hanggang sa makaabante ang USA, 107-106 habang 1:33 na lang ang nalalabi sa oras.
Pero nakalamang ang Canada mula sa split free throw ni Dillon Brooks at dalawang puntos ni Shai Gilgeous-Alexander, 109-107.
Nakasungkit pa muli ng dalawang free throw si Brook, 111-107. Gayunman, binura ni Mikal Bridges ang apat na puntos at itinabla ang iskor sa 111 sa kaniyang split charity at isang tres.
May pag-asa na sanang tapusin ng Canada ang laban pero nagmintis ang tres ni Kelly Olynyk kaya nagkaroon ng overtime.
Sa extra period, kumawala agad ang Canada at ibinaon ang team USA sa anim na kalamangan. Nagawa ng USA na tapyasan ng dalawa ang lamang ng Canada mula sa free throw ni Austin Reaves.
Tinapatan naman ito ng Canada ng tres mula kay RJ Barrett habang 0:44 na lang ang nalalabi sa overtime. Tinapos ni Brooks ang laban sa kaniyang charity shots.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa world no. 15 na team Canada na makasungkit ng medalya sa World Cup.
Tumirada si Brooks ng kabuuang game-high 39 points, limang assists at four rebounds, habang naka-double-double naman si SGA na may 31 points at 12 assists.
May ambag naman si Barrett na 23 points para sa Canada.
Para sa team USA, kumamada sina Anthony Edwards ng 24 points, habang may 23 points naman si Reaves, at 19 points si Bridges.
Mula sa ikapitong puwesto sa 2019 World Cup, magkakasya na lang ang world no. 2 na team USA ang ika-apat na puwesto ngayong taon matapos silang masilat ng Germany sa semifinals.
Kalaban ng Germany ang Serbia sa final.
Kapuwa naman pasok sa 2024 Paris Olympics ang Canada at USA. --FRJ, GMA Integrated News