Pinaghahanap ngayon ang isang inmate na itinuturing mapanganib matapos siyang makatakas mula sa isang piitan sa Pennsylvania, USA. Ang lalaki, nalusutan ang mga bantay nang mag-ala-Spiderman upang maakyat ang mataas na pader kahit walang ginamit na hagdanan.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa video ng Chester County District Attorney, ang nakatakas na bilanggo na si Danelo Cavalcante, isang Brazilian.
Sa video, nagpalinga-linga muna siya para tiyakin na walang bantay na nakatingin sa kaniya. Puwesto si Cavalcante sa pagitan ng dalawang pader habang nagbabantay naman ang kaniyang kasabwat.
Ilang saglit pa, isang kakaibang posing na ang ginawa ni Cavalcante. Pahalang siyang nakaakyat sa pagitan ng dalawang pader gamit ang mga kamay na nakatukod sa isang pader, at mga paa naman sa kabilang pader.
Ayon sa pulisya, nakulong si Cavalcante dahil sa pagpatay umano sa kaniyang nobya, at habambuhay na pagkakabilanggo ang sintensya.
“Danelo Cavalcante is considered an extremely dangerous man. We are asking for the public's help in locating him,” sabi ni Atty. Deb Ryan, Chester County District Attorney.
May ilang nakapag-ulat na nakita si Cavalcante sa masusukal na lugar at nakuhanan ng mga security camera.
Ayon sa impormasyong hawak ng mga awtoridad, gumagala-gala si Cavalcante sa magubat na bahagi ng county na mahigit tatlong kilometro ang layo sa piitan.
Nagtutulungan na ang daan-daang law enforcement units para mahanap ang pugante. Nagpadala na rin sila ng helicopters, drones at K-9 units.
May alok ding $10,000 o mahigit P569,000 ang Chester County District Attorney sa makapagtuturo sa kinaroroonan ni Cavalcante. -- FRJ, GMA Integrated News