Matapos ikasal, maayos na nagsama ang isang mag-asawa sa Amerika sa loob ng 12 taon. At nang mabuntis ang babae, inalam nila ang kani-kanilang "family tree" upang makaisip ng ipapangalan sa kanilang magiging anak. Dito na nila natuklasan na magkamag-anak pala sila.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing parehong hiwalay o nagdiborsiyo sa mga una nilang asawa sina Tage at Marcella Hill, nang magkakilala sila.
Kinalaunan, nagpakasal sina Tage at Marcella sa huwes sa isang intimate wedding. Maayos at tahimik naman ang kanilang pagsasama, hanggang sa mabuntis si Marcella.
Dito na nag-isip ang mag-asawa ng ipapangalan sa kanilang magiging anak. Sinuri nila ang kanilang family tree para pagsamahin sana ang mga pangalan ng kanilang mga lolo at lola.
Pero sa kanilang pagsasaliksik, nalaman nilang pareho pala ang pangalan ng kanilang mga lolo at lola.
"Husband was next to me on his own FamilySearch and he was like, 'Oh that is funny, we have the same grandma and grandpa's names,'" kuwento ni Marcella.
"Then we start looking at it and we realize my grandpa is his grandma's first cousin," sabi ni Marcella.
Matapos nito, tinawagan nina Tage at Marcella ang kani-kanilang mga lolo at lola, at kinumpirma ng mga ito na magkakamag-anak nga sila.
Sa sumunod na mga family reunion, nadiskubre nila na maaaring nagkrus na ang kanilang mga landas noong mga bata pa lamang sila.
"One time, we were at a reunion with my husband's family watching old family movies, and I noticed that I had been to the house that I could see in the video," sabi ni Marcella.
"We then took a trip back to Cheyenne together, and the same family who I knew as a 30-year-old woman remembered my husband from when he was a kid," dagdag ni Marcella.
Lumalabas na mag-third cousins sina Tage at Marcella.
Napag-alaman na hindi nila kaagad nalaman ang tungkol sa kanilang ugnayan dahil hindi nakadalo sa kanilang simpleng kasal ang iba nilang mga kamag-anak.
Sumangguni sa mga eksperto sina Tage at Marcella sa pag-aalalang maaaring magkaroon ng problema ang kanilang anak.
Gayunman, naging maayos ang lagay ng kanilang panganay na walong taong gulang na ngayon.
Nadesisyon sina Tage at Marcella na ipangalan ang kanilang anak sa kanilang lola sa talampakan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News