Magkahalong kilabot at tuwa ang naramdaman ng mga deboto matapos magpakita ang hindi lang isa, kundi dalawang imahe umano ni Hesus sa mga talahiban sa ipinagagawang simbahan sa Camiling, Tarlac.
Sa "Dapat Alam Mo!" makikita ang isang aerial shot ng lupa na pinagtatayuan ng simbahan na patron si Saint John Paul II, na hindi pa man natatapos ay may mga himala nang nangyayari.
Sa gitna, mapapansin ang tila mukha ni Hesus na nakapako sa krus. Sa itaas naman, maaninag ang tila isang Hesu Kristo na nabuhay muli.
Sa gawing kanan naman, makikita rin ang isang imahe na tila isang tupa.
Taong 2016 nang itatag ang Saint John Paul II Parish sa Camiling. Magmula noon, idinadaos sa maliit na simbahan ang mga Misa sa pangunguna ng Parish Priest na si Rev. Fr. Ramon Christopher Molina.
Gayunman, higit sa 100 lang ang nakapapasok sa maliit na simbahan, kaya naging misyon ni Fr. Molina na magpatayo ng bago at mas malaking simbahan.
Unang nakapansin sa mga imahe umano ni Hesus si Freda Angub, na 10 taon nang nananahi ng damit ng Poong Nazareno.
Maging si Father Molina ay iba ang naging pakiramdam.
"Kinilabutan ako dahil napakalinaw ng imahe ng Panginoong Hesus. And during that day, that is the Feast Day of the Triumph of the Cross," anang pari.
Labis din ang tuwa ng mga deboto nang makita ang imahe.
Para kay Father Molina, may pinapahiwatig ang mga lumitaw na mga imahe ni Hesus, dahil ang patron nilang si St. John Paul II ay talagang mapaghimala.
"Before bago po ito maging parokya, kapag may malaking bagyo aasahan mo laging baha rito. Mula po nang maitatag ito na parokya ni St John Paul II na kanilang patron, hindi pa po ulit binabaha rito kahit may mga malalaking bagyo," sabi ni Father Molina.
Ayon pa kay Father Molina, hindi ito ang unang beses na nagpakita ang imahe ni Kristo sa paligid. Taong 2016 din nang lumitaw naman ang imahe ni Kristo sa isang bunga ng buko.
"Hindi po natin sinasamba itong mga imahe na ito na nagpakita sa ating ginagawang simbahan. Isa lang po ang sinasamba natin, ang Diyos, ang nirerepresenta ng mga imaheng ito. It helped us to check on our faith, check our relationship with the Lord and discern what is the message of God," paalala ni Father Molina. --FRJ, GMA News