Ipinaalala ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na bawal mangampanya ang mga kandidato sa Huwebes at Biyernes Santo.
“In whatever form, bawal ang ating kampanya. It will be an election offense for prohibited campaigning,” sabi ni Atty. Dennis Ausan, Comelec-Western Visayas regional director, sa ulat ng GMA Regional TV News
Hinikayat ng opisyal ang publiko na maghain ng reklamo laban sa kandidatong makikita nilang lumalabag sa batas tungkol sa halalan.
Maaari din umanong isumbong ng publiko sa mga awtoridad ang mga pasaway na kandidato at mangalap ng sapat na ebidensiya.
“They can file it before the police, direkta na and it will be facilitated to be filed sa Regional Trial Court. Or they can file it with any offices of the Commission,” sabi ni Ausan.
Samantala, nagpaalala naman ang tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) Region 6, sa mga school head tungkol sa mga panuntunan na bawal ang mag-imbita ng mga kandidato sa kanilang moving-up at recognition ceremonies.
"Dapat huwag gawing partisan political activity ang ating mga end-of-school-year rites,” ayon kay Hernani Escullar, Jr., spokesperson ng DepEd-6.
Sinabi rin ng opisyal na kung kailangan talaga ang isang kandidato sa seremonya, dapat humingi ang paaralan ng permiso muna sa COMELEC.
Inihayag din ng Police Regional Office (PRO) 6 na sapat ang mga tauhan nito para tiyakin ang maayos na halalan, kahit nailipat sa bagong Negros Island Region ang ilang tauhan mula sa lalawigan ng Negros Occidental.
“Meron tayong mga bagong graduates that we will be utilizing for this election,” ayon kay PRO 6 Director, Brigadier General Jack Wanky. —FRJ, GMA Integrated News