Natagpuang hubo't hubad at duguan ang isang lalaki matapos niyang putulin ang sarili niyang maselang bahagi ng katawan sa Ilocos Sur. Bakit nga ba humantong sa ganitong desisyon ang lalaki na putulin ang sarili niyang "kaligayahan"?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikitang paiika-ika sa paglalakad si "Carlo," hindi niya tunay na pangalan. Sa labas ng kanilang bahay, bakas pa ang mga marka ng dugo matapos niyang putulin ang kaniyang ari.
Ayon sa kaniyang mga kapitbahay, mabait at maganda ang pamumuhay ni Carlo. Pero nagbago raw nang iwan siya ng kaniyang nobya at nalaman na lang na nag-asawa na ito ng iba.
Pero hinala ng ina ni Carlo na si "Maria," hindi rin tunay na pangalan, nagawa ng kaniyang anak na putulin ang sariling ari dahil sa pagkalulong nito sa alak.Inamin ni Carlo na ang pagkalulong niya sa alak ang dahilan kaya iniwan siya ng kaniyang nobya.
"Sa kahiligan ko na rin siguro sa alak. Kahit pinagagalitan ako sinusuway ko. Hanggang sa tuluyan nang nagkahiwalay," ani Carlo.
Tinangka niyang umiwas sa alak, pero nawawala siya sa sarili sa tuwing tumitigil siya sa pag-inom. Pero ganun din ang kaniyang kalagayan kapag nakainom siya.
Matapos umiwas sa pag-inom ng alak sa loob ng tatlong araw, sumagi sa isipan ni Carlo na putulin ang ari nitong Oktubre 29.
"Parang may bumubulong sa akin. 'Kung hindi dahil sa pag-iinom mo, hindi ganyan sana ang buhay mo. 'Yun ang palaging sinasabi paulit-ulit," sabi ni Carlo.
Wala na raw siya tamang pag-iisip noon at isinagawa niya ang pagputol sa kaniyang ari at itinapon.
"Noong medyo bumalik na 'yung pag-iisip [ko]nararamdaman ko na, 'Bakit ang hapdi?'" kuwento niya.
Natagpuang duguan at nakahandusay sa daan si Carlo ng mga kagawad at tanod ng barangay.
Paliwanag ng urologist na si Dr. Rogelio Varela Jr., hindi na naibalik ang ari ni Carlo dahil hindi na maganda ang blood supply nito.
Para pansamantalang makaihi, nilagyan si Carlo ng catheter.
Dagdag ng urologist, maaaring ikamatay ni Carlo ang komplikasyon na dulot ng pagputol niya sa kaniyang ari tulad ng tetanus o impeksiyon.
Tunghayan sa "KMJS" ang paliwanag ng mga eksperto sa mga naidudulot ng labis na pag-inom ng alak sa nervous system ng tao.
Samantala, sa mga nangangailangan ng kausap o may kakilala na kailangan ng makakausap, maaaring tumawag sa Hopeline 0917-5584673/(02) 8044673/ o sa NCMH Crisis hotline 1553/ 0917-8998727/ 0917-9898727.
--FRJ, GMA News