Sa kabila ng mahirap nilang kalagayan, pursigido pa rin ang magkapatid na babae sa Lapu-lapu City na mayroong "osteogenesis imperfecta" na makapagtapos ng pag-aaral. Kaya naman ang mga nakakakilala sa kanila, hanga sa kanilang determinasyon.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing laging nasa honor list ng klase ang magkapatid na sina Jean Laurence Balingit, 16-anyos at Alija Grace, 11-anyos.
Si Jean, nagtapos pa nga bilang class valedictorian.
Hindi madali ang pagkilos sa magkapatid dahil sa kanilang kondisyon na osteogenesis imperfecta, o deformities sa kanilang mga buto.
Nagsimula raw makita ng mga magulang ng magkapatid ang problema nang tumuntong sila sa edad na isang-taong-gulang.
Naka-stroller ang magkapatid nang makita ng GMA News. At para umano makapagsulat sa paaralan, kinakailangan nilang humiga sa lamesa para mahawakan ang panulat.
Mahirap man ang kanilang kalagayan, pinatunayan ng magkapatid na hindi hadlang ang anumang sakit o kapansanan para magpursigi sa buhay.
Nananatiling positibo ang kanilang pananaw sa buhay at pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Ang ina ng magkapatid, wala raw ibang hangad kung hindi matupad ang pangarap ng kaniyang mga anak pero aminado siya na kakailangan niya ng panggastos.
Nangako naman ng tulong ang lokal na pamahalaan at ang Department of Education para makapagpatuloy sa pag-aaral ng magkapatid. -- FRJ, GMA News