Ang usapin ng mental health ang naging tema ng pagtatanghal nina Jhong Hilario, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez sa "Magpasikat" sa “It’s Showtime,” na sinamahan ng mental health advocates. Para kay Alice Dixson, na isa sa mga judge, gustong-gusto niya ang ginawa ang team nina Jhong.
Kasabay ng awiting “Ako Naman Muna” ni Angela Ken, nagpakitang gilas din ang tatlo sa pagsayaw, kasama ang mga Kapuso star na sina Rochelle Pangilinan at Kokoy De Santos.
May bahagi rin ng pagtatanghal na nakasama ni Jhong ang kaniyang batang anak na si Sarina, at content creator na si Niana Guerrero.
Mayroon ding higanteng spinning wheel ang naturang team na ginamit din ng tatlo sa kanilang pagtatanghal.
Sinamahan din ito ng mga mental health advocate, kabilang ang mga celebrities na sina Jed Madela, Sofia Andres, Michelle Dee, Maxene Magalona, Kylie Versoza, at iba pa.
Nagtapos ang kanilang pagtatanghal sa pagpapakita ng mga mental health hotline sa TV screen.
“Maraming nakakaranas. ‘Yung iba, sinasabi nila, ‘nako, bine-baby niyo lang ‘yang mga mental health mental health na ‘yan, mga depression na ‘yan.’ Hindi niyo malalaman hanggang hindi nangyayari sa ‘yo. Hindi niyo malalaman hangga’t walang pamilyang nakakaranas nun,” paliwanag ni Jhong kung bakit mental health ang ginawa nilang tema.
“Alam mo, hindi nakikita sa tao kung ano ‘yung nararamdaman nila sa loob. May mga magaling magtago, pero lahat ‘yan may pinagdadaanan. At hindi lahat ng ‘okay lang’ ay ‘okay,’” dagdag niya.
Para kay Alice Dixson, na isa sa mga judge, gustong-gusto niya ang ginawa ang team nina ‘Team Jhong-Jackie-Cianne,’ at bibigyan niya ng pinakamataas niyang high score.
Bukod kay Alice, judge din sa Magpasikat sina Gabbi Garcia, Donny Pangilinan, at dating ABS-CBN president Freddie "FMG" Garcia.
Malalaman sa Sabado sa "It's Showtime" kung anong team ang tatanghaling panalo sa "Magpasikat" ngayong 2024. --FRJ, GMA Integrated News