Walang katumbas na halaga ang bawat ngiti na isinusukli ng mga taong nakarinig sa unang pagkakataon dahil sa libreng hearing aid na ibinibigay ng isang lalaki sa Cebu.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na mahigit 70 tao na--kabilang ang ilang bata-- na may problema sa pandinig ang natulungan ng tattoo artist at dating guro na si Humprey Elvira.
Kuwento ni Humprey, aksidente lang na nagsimula ang tila naging misyon na niya ngayon na mamigay ng hearing aid.
Sabi ni Humprey, nasa labas siya noon nang magbato siya ng joke sa ilang tao. Pero napansin niya na may isang binatilyo na tanging hindi kumikibo sa kaniyang mga joke.
"Marami na kong nabatong jokes tawa sila nang tawa. Sabi ng isang tindera, 'bingi 'yan.' Hindi n'yo naman sinabi na bingi," balik-tanaw niya.
Ini-upload daw niya ang naturang karanasan sa pagbabakasaling matulungan niya ang binatilyo. At hindi naman siya nagbigo dahil nagkaroon siya ng paraan upang makabili ng hearing aid sa online.
Ang pitong-taong-gulang na si Zebzeb sa Lapu-lapu City, Cebu, may profound o matinding hearing loss. Ayon sa kaniyang ina na si Bea, napansin nila na may problema kay Zebzeb nang tatlong taong gulang na ang bata pero hindi pa rin nakakapagsalita.
Nang kanilang ipasuri sa duktor, doon na nila nalaman na may problema sa pandinig si Zebzeb.
Pinayuhan daw sila na ibili ng hearing aid si Zebzeb pero hindi raw nila kaya ang halaga nito na aabot sa P60,000.00
Hanggang sa makarating kay Humprey ang kalagayan ni Zebzeb at binigyan niya ito ng libreng hearing aid na nakukuha online sa halagang P200 lang.
Nang ikabit ni Humprey ang hearing aid kay Zebzeb, hindi lang nakadinig ang bata, bagkos ay nakapagsalita pa. Dahil sa unang pagkakataon ay nabigkas niya ang salitang "Mama" at "Papa."
"Tuwang-tuwa yung papa at mama niya napaiyak. Deep inside parang gusto ko na ring umiyak. First yung reaction ko yung bata talaga parang natuwa siya na nakarinig siya," sabi ni Humprey.
Gayunman, may paalala ang eksperto sa uri ng hearing aid na kailangan ibigay sa taong kailangan ito dahil maaaring mas makapinsala raw ito sa pasyente.
Bukod dito, hindi sa lahat ng pagkakataon ay hearing aid ang solusyon sa problema ng taong may problema sa pandinig.
Ibig sabihin, hindi lahat ng nabibigyan ni Humprey ng hearing aid ay nakakadinig. Pero sa kabila nito, hindi raw ititigil ni Humprey ang kaniyang ginagawang maliit na paraan ng pagtulong.
Ang siyam na taong gulang na si Cris, hindi rin nakakadinig at hindi nakakapagsalita. Upang makausap siya, nag-aral ang kaniyang ina ng sign language sa Youtube.
Dahil din sa kakapusan sa pinansiyal kaya hindi rin magawa ng ina na maibili ng hearing aid si Cris. Umaasa siyang makakarating kay Humprey ang kaniyang hiling para matulungan ang kaniyang anak.
Hindi naman naging bingi si Humprey sa naturang kahilingan kaya pinuntahan niya si Cris. At nang ikabit niya rito ang hearing aid, makadinig naman kaya si Cris at makita rin kaya ni Humprey ang napakatamis na ngiti na nakita niya noon kay Zebzeb? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News