Sinabi ni Willie Revillame na ihahayag niya sa Agosto ang mabigat na desisyon na gagawin niya sa buhay. At sa harap ng mga haka-hakang tatakbo siyang senador sa Eleksyon 2022, sinabi ng TV host na, "Hindi ako kenkoy sa Senado."
Sa video ng "Wowowin-Tutok To Win" na inupload sa Youtube nitong Miyerkules, sinabi ni Willie na mayroon siyang malaking ihahayag sa unang linggo ng Agosto.
"Sa August mayroon akong malaking announcement sa inyong lahat," saad niya. "Ito po desisyon sa buhay para sa akin ito at para sa ating lahat. Sana po ay maintindihan niyo."
Bagaman walang direktang pahayag si Willie kung tungkol ba ito sa posibleng pagtakbo niya bilang senador sa 2022 elections, tiniyak naman ng TV host na hindi siya magiging "kenkoy" at hindi magnanakaw sa kaban ng bayan.
"Huwag kayong mag-alala hindi ako kenkoy sa Senado. Hindi kami magkekenkoyan. Tutulong, gagawa ng paraan, gagawa ng batas sa mga taong nagugutom. Hindi po magpapatawa doon," paliwanag niya.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia para sa mga posibleng tumakbong senador sa darating na halalan, nasa-pang siyam ang kaniyang pangalan sa mga napupusuan ng mga respondent na iboboto.
Ginawa ang naturang survey noong June 7 hanggang 16, 2021.
"Hintayin niyo desisyon ko, 'wag niyo 'kong pangunahan. Ako ang nakakaalam kung ano ang gusto kong gawin," sabi ni Willie sa mga nagsasabing tatakbo siyang senador.
"At kung ano man ang tatahakin ko, maniwala kayo sa akin, wala akong gagawing kawalangyaan sa inyo. Dahil wala sa isipan ko 'yan. Kontento na 'ko kung anong mayroon ako at masaya ako na magpasaya sa inyo," pahayag niya.
Nanawagan din siya na hindi dapat maliitin at laitin ang mga artistang pumapasok sa pulitika.
Giit ni Willie, nasa tao kung nais niyang magnakaw o gumawa ng masama sa kapwa.
Ginawa niyang halimbawa ang isang Mangyan na tinutulungan niyang magtrabaho sa ipinagawa niyang resort sa Puerto Galera.
Kuwento ng TV host, sobra ng P1,000 ang natanggap na sahod ng naturang katutubo pero kahit walang nakakaalam, pinili pa rin ng Mangyan na bumaba ng bundok para isauli ang sobrang P1,000.
"Nasa tao 'yan, nasa kabutihan ng kalooban yan. Kahit nakapagtapos ka kung masama naman ang iniisip mo, nasa isip mo magnakaw, lokohin mo kapuwa mo, hindi ba?" paliwanag niya.
"So kahit isang basurero ka lang kung ang iyong damdamin eh malinis, yung ang pinakaimportante," patuloy niya.--FRJ, GMA News