Patay ang isang truck driver matapos siyang barilin sa likod ng ulo ng isang salarin habang naglalakad sa Paco, Maynila. Naaresto naman ang bumaril matapos kuyugin ng mga tao.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV ang biktima si Elbert Silva na naglalakad sa gilid ng kalsada nang sumulpot sa kanilang likuran ang salarin na armado ng baril.

Malapitang binaril ng salarin sa likod ang biktima at muling pinaputukan ng isa pa bago tumakas.

Nakita rin sa CCTV na inilagay ng salarin ang baril sa bag at iniabot sa kasabwat na nakasakay sa motorsiklo na tumakas.

Sasakay na sana sa hiwalay na motorsiklo ang salarin pero kinuyog na siya ng mga tao.

Nakilala ang salarin na si Nestor Perez, na mula umano sa Tanauan, Batangas.

Samantalang si Alfredo Curita naman ang nakitang kasabwat nito na kumuha sa baril at nakatakas.

Paliwanag ni Perez, inalok daw siya ni Curita ng P100,000 para patayin si Silva.

"Sumama po ako pa-Maynila kasi ang sabi sa'kin itong si Edilberto ay magnanakaw at tsaka nang-agaw ng asawa kaya napilitan po akong barilin siya," ayon kay Perez.

Gayunman, wala pa raw siyang natatanggap na bayad mula kay Curita.

Sinabi naman ni Manila Police District homicide section chief Police Captain Henry Navarro, pinuntahan nila ang sinasabing bahay ni Curita sa Makati at Quezon pero hindi nila ito nakita.

"Hindi natin inaalis 'yong posibilidad na isang malaking grupo o indibidwal 'yong naka-alitan nitong ating biktima. Sa side naman ng ating mga suspek, 'di naman sila siguro gagalaw kung walang downpayment," sabi ni Navarro.

Nag-alok si Manila Mayor Isko Moreno ng P200,000 pabuya sa makapagtuturo sa kinaroroonan ni Curita.— FRJ, GMA News