Kapag nais ni Jesus na pumasok sa buhay natin gaya ng pagpasok Niya sa bahay ni Zaqueo, tatanggihan mo ba Siya? (Lk. 19:1-10).

Ang pagtawag sa atin ni Jesus para magbalik-loob sa Diyos ay isang biyaya. Sapagkat tatanggi ka ba sa Kaniyang paanyaya kapag sinabi sa iyo mismo ni Kristo na, "Sumunod ka sa Akin."

Ganito ang ipinakitang karakter ng kolektor ng buwis na si Zaqueo sa Mabuting Balita (Lucas 19:1-10) matapos niyang tugunan ang tawag at paanyaya sa kaniya ni Jesus.

Hindi naging hadlang ang pagiging maliit na tao ni Zaqueo at lalong hindi rin naging balakid ang napakamaraming tao para hindi niya makita at makilala si Jesus na naglalakad sa kabayanan ng Jericho.

Dahil sa dami ng mga tao, hindi madaling makikita si Zaqueo dahil maliit na tao lang siya. Kaya ang ginawa niya, umakyat siya sa puno ng sikamoro para makita si Jesus.

At nang mapadaan na sa tapat niya si Jesus, pinababa Niya si Zaqueo at sinabing pupunta Siya sa bahay nito. Kaagad naman tumalima ang masayang si Zaqueo.

Nagbulungan ang mga nakakita sa ginawang pagtawag ni Jesus kay Zaqueo dahil  bakit nga naman pupuntahan pa Niya ang bahay ng itinuturing nilang isang tao na makasalanan at mapagsamantala sa buwis.

Kagaya ng nangyari kay Zaqueo, maraming tao ang nasa harapan natin na maaaring humaharang sa ating paningin para makita si Jesus at makilala Siya nang lubos.
Pero kahit anong pagharang ang gawin ng mga taong ito na maaaring humahadlang sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, tularan natin ang maliit na si Zaqueo na gumawa ng paraan upang makita niya si Jesus.

Kung tutuusin, marahil ay hindi na kailangan ni Zaqueo na umakyat sa puno dahil batid ng Diyos kung nasaan ang taong nais na lumapit sa Kaniya; kahit saan man lugar ito naroroon, o kung gaano man kalaki o kaliit ang kaniyang pangangatawan.

Pero hindi lang sa bahay pinatuloy ni Zaqueo si Jesus, pinatuloy din niya ang Panginoon sa kaniyang pagbabagong buhay. Patunay na walang pinipili ang Diyos at handa Niyang bigyan ng pagkakataon na magbago kahit ang mga taong itinuturing na makasalanan.

Nang sandaling iyon, tinalikuran ni Zaqueo ang kaniyang makasalanan, mapagsamantala at abusadong buhay bilang isang kolektor ng buwis.
Ipinangako ni Zaqueo kay Jesus na ibibigay niya ang kaniyang yaman sa mga mahihirap, at isasauli niya ang mga nakuha niya sa mga taong dinaya sa buwis.

At dahil doon, idineklara ni Jesus na dumating kaligtasan sa tahanan na Kaniyang pinuntahan.

Ang Pagbasa ay isang paanyaya sa atin na huwag nating sayangin ang anumang pagkakataon na si Jesus ay nagpaparamdam o nagpapahiwatig na nais Niyang bumisita sa ating tahanan at sa ating buhay--kahit ikaw ay makasalanan.

Huwag nating balewalain ang pagkakataon na tinatawag tayo ni Jesus tulad ng pagtawag Niya kay Zaqueo na tumuloy sa ating pamamahay at pamumuhay. Kung may mga taong nakasasagabal sa atin upang makita si Jesus sa ating harapan, huwag magpatalo at sa halip ay maging huwaran si Zaqueo na maging bukas ang pananampatalaya na si Jesus ay ang kaniyang kaligtasan.

Kung tutularan natin si Zaqueo na patutuluyin sa ating puso si Jesus, malaking pagbabago ang naganap sa ating buhay.

AMEN.

--FRJ, GMA News