Mismong ang "Wowowin-Tutok To Win" host na si Willie Revillame ang naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong "Rolly" sa Gigmoto, Catanduanes.
Sa ulat ni Ian Cruz sa “24 Oras” nitong Lunes, ipinakita ang naunang panawagan ng mga residente noong Nobyembre 6 kay Kuya Wil na tulungan silang mga nasalanta ng bagyo.
“Kuya Willie, nakikiusap ako sa inyo, lahat lahat ‘di kami mabubuhay dahil ang aming mga tinanim naubos. Isa akong ano ng agriculture pero saan kami magtatanim? Kailan pa kami kakain? Kailan pa mabubuhay ang tao? Abaca ang inaano namin dito pero nasaan? Wala,” anang isang residente.
Nitong weekend, kaagad na nagtungo si Kuya Wil sa Catanduanes para mamahagi ng gamot, kumot, at mga jacket.
“Noong napanood ko ‘yon medyo parang hirap naman na balewalain mo ‘yon kasi nananawagan na sa’yo, tinawag na pangalan mo tapos ito namang weekend na ‘to wala naman akong gagawin, wala naman akong show eh ‘di gumawa ako ng paraan,” anang TV host na lumipad sa lalawigan gamit ang kaniyang chopper.
Bukod sa P5 milyon na donasyon niya sa lalawigan, hinanap din ni Kuya Wil ang residenteng nanawagan sa kaniya sa telebisyon at binigyan niya ng P100,000.
“Dahil nanawagan kayo eh mahirap naman hong ‘di ko naman kayo papansinin,” sabi ni Kuya Wil sa residente.
Pinasalamatan naman ni Catanduanes Governor Joseph Cua also si Kuya Wil sa ibinigay nitong tulong.
“Hindi ko akalaing makakarating ka sa amin at akala ko mage-entertain ka lang, ‘yon pala magbibigay ka pala ng ayuda o support sa aming mga kababayang nasalanta. Again, maraming salamat po,” ani Cua. --FRJ, GMA News