Hindi man kaaya-aya ang hitsura at lasa ng okra at inaayawan ng maraming bata, mayaman naman pala ito sa fiber at mga mineral. Totoo nga ba na maganda ito para sa mga may highblood at diabetes? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Pinoy MD," ipinakilala ang 36-anyos na si Jayson Nicart ng Camarines Sur, na tila nabubuhay sa kantang “Bahay Kubo” dahil marami silang tanim na gulay sa kanilang bakuran.

“Love ko talaga ang pagtatanim, love ko ang nature, love ko ‘yung mga gulay. Mas pinipili namin kainin ang gulay, more on sa mga meat and then sa ibang pagkain,” sabi ni Nicart.

Kaya nang magkaroon ng sariling pamilya, nakasanayan ni Nicart na bigyan ng mga inuming may gulay ang kaniyang mga anak at asawa. Kasama rito ang okra-infused water o okra na ibinabad sa tubig.

Ito ang ginamit niyang solusyon para mawala ang ubo ng anak.

Paliwanag ng health and wellness doctor na si Dr. Oyie Balburias, “In a way, may property din 'yung okra that can lubricate or enhance the mucosal integrity doon sa ating lalamunan.”

Ang mga recipe ni Nicart sa kaniyang mga ginagawa patungkol sa gulay, ibinabahagi niya sa kaniyang followers online.

Isa si April Ocampo sa mga followers ni Nicart ang sumubok sa tips ng huli. Ginawa raw niya iyon nang minsan na nakaranas ng hirap sa pagdumi at pananakit sa likod matapos manganak.

“Noong panahon na ‘yun, bago ko na-discover 'yung okra na yun, medyo bloated po ako tapos naghahanap talaga ako ng antioxidant. Parang feeling ko ang bigat ng pakiramdam ko po," saad ni April.

"Sabi du’n sa video ni Pinoy Farmer, medyo nakakapayat din, tapos antioxidant nga po. So wala naman mawawala sa akin. Gulay naman siya, 'yun lang, kailangan ko lang itiisin 'yung lasa. Tinry ko na rin po,” patuloy niya.

Ayon kay Dr. Balburias, mayaman din sa fiber, vitamin K, magnesium, at manganese ang okra. Mayroon din itong phytonutrients na tinatawag nating phytosterol na mainam sa pagkontrol ng blood cholesterol.

“That's why maganda din ang okra para sa fiber content nito. That's why kung kayo'y constipated, at the same time kayo'y dehydrated, at ito ang dahilan kung bakit kayo constipated, then makakadagdag na tulong ito,” sabi ni Dr. Balburias.

Isa lamang ang okra-infused water ni Nicart sa mga paraan para makagawa ng tinatawag na vegetable o fruits-infused water, o paglalagay ng iba't ibang mga gulay, prutas o maging herbs and spices sa tubig. Ayon sa mga eksperto, maraming itong dalang benepisyo.

Ngunit ipinayo ni Dr. Balburias na mas maiging mainom ang vegetable or fruits-infused water sa loob lamang ng anim na oras dahil may mga gulay na madaling mabulok.

“May mga gulay na madaling mabulok na kung sakali, baka naman mag-cause pa sa inyo ng karamdaman kung ito ay mag-cause ng contamination sa tubig na iinumin ninyo. As long as hindi nakaka-apekto din sa lasa ng tubig, kasi 'yung iba, apektado sila pagka may konting lasa 'yung tubig. Lalong lalo na hindi ito gamot. Ito ay makakatulong lamang para makadagdag doon sa pangangailangan ng sistema ng ating katawan,” paalala niya.

Ayon kay Nicart, bihira siyang magkasakit at malakas ang resistensiya ng katawan ng kaniyang mga anak.

“Ang asawa ko healthy rin, ang mga biyenan ko, mga senior na po pero hindi mo mahahalataan. Kung kumilos talagang bigay-todo, malalakas ang pangangatawan. Physically fit, dahil nga po sa mga ginagawa namin pag-take ng mga herbal,” sabi ni Nicart.

Tunghayan sa Pinoy MD kung paano ginagawa ni Nicart ang kaniyang okra-infused water. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News