Sa amo ng kaniyang hitsura at kakaibang "balahibo" na tusok-tusok, marami ang natutuwa sa isang alagang Palawan porcupine o "durian" na tinawag na si "Dory." Pero dahil ipinagbabawal sa batas ang pag-aalaga ng mga wild animals, maaari pa kayang pakawalan ang katulad ni "Dory" na nasanay na sa tao?
Sa isang episode ng "Born to be Wild," pinuntahan ng host na si Doc Ferds Recio, ang bahay ni Cesar Alarcon sa Aborlan, Palawan.
Dito nakita niya si Dory na may oras na pinapayagang makalabas sa kaniyang kulungan para makagala sa bakuran ng kaniyang amo.
Katulad ng porcupine sa ibang bansa, may quills o mga panusok na tila balahibo ang mga "durian" na kanilang pangdepensa kapag nalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Napansin ni Doc Ferds na hindi na naiilang sa mga tao si Dory, na bata pa lang daw ay alaga na ni Cesar.
Hindi naman daw talaga nais ni Cesar na mag-alaga ng porcupine. Pero dahil sa awa niya sa hayop, binili na niya ito at inalagaan.
Nang suriin ni Doc Ferds si Dory, nakita niya na maayos naman ang kalusugan nito. Nakumpirma rin na talagang babae si Dory.
Kailangan na may permit mula sa kinauukulang ahensiya ang isang tao na gustong mag-alaga ng mga hayop-ilang o wild animals dahil may mga itinatakdang rekisito patungkol dito.
Ang Palawan Council for Sustainable Development o PCSD, hindi raw talaga hinihikayat ang mga tao na mag-alaga ng mga hayop na ilang dahil mayroong papel na ginagampanan ang mga ito sa wild.
Ngunit sa kondisyon ni Dory na nasanay na sa mga tao at naging alaga na mula sa pagkabata, maaaari pa nga ba siyang mai-rehabilitate para mapakawalan sa natural niyang tahanan sa kabundukan? Tunghayan ang buong kuwento ni Dory sa video ng "Born To Be Wild." --FRJ, GMA Integrated News