Nababalot ng misteryo ang isang playground sa Kalamansig, Sultan Kudarat dahil gumagalaw daw ang mga palaruan kahit wala namang mga bata o puwersang maaaring magpagalaw.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video kung saan nakuhanan ang paggalaw nang sabay-sabay ng duyan, merry-go-round, at kabayu-kabayuhan, kahit walang tao o malakas na hangin sa lugar.
Ang 15-anyos na si Angel Buendia, ikinuwento na nang minsang napadaan siya sa palaruan ng gabi, may nakita siyang bata na naglalarong mag-isa.
Gayunman, bigla na lang daw itong nawala.
Pero hindi lang si Angel ang nakakita sa misteryosong bata na naglalaro sa playgound kahit gabi na.
Gaya ni Angel, gabi nang may makitang bata si Jeru Buendia na naglalaro sa playgound. Pero ilang segundo rin lang ang nakalipas, bigla na rin itong naglalaho.
Ang paranormal researcher na si Ed Caluag, sinadya ang playground at sinabi niyang may nakita siyang kakaibang nilalang na batang lalaki sa lugar.
Naniniwala siyang may "lagusan" ang mga kakaibang nilalang sa playground kaya gumagalaw ang mga palaruan kahit wala namang naglalarong mga bata.
Ngunit kung ang security guard sa playground ang tatanungin, naniniwala siya na posibleng gawa-gawa rin lang ng tao ang paggalaw ng mga palaruan.
Pero maaari nga bang gumalaw ang mga palaruan nang matagal kahit wala namang bata o tao na nakasakay? Masdan sa video ang ginawang pagsusuri. Panoorin. -- FRJ, GMA News