Ang motorcycle delivery service ang isa sa mga nakatulong sa mga tao noong kasagsagan ng pandemic para maghatid ng mga pagkain at iba pang pangangailangan. Pero ngayon, may mga rider umano ang napipilitan na rin ialok ang kanilang katawan dahil sa hirap ng buhay.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” dalawang rider na kasama umano sa mga nag-aalok ng “extra service” sa kanilang mga kliyente para sa dagdag na kita ang nagbahagi ng kanilang kuwento.
Sa biyahe pa lang, maaari na umanong hawakan ng kliyente ang katawan ng rider.
“Sumali po kami sa group chat ng mga rider po na may mga extra service,” sabi ng isang rider na itinago sa pangalang Kardo. “'Yung sa group namin ‘yung mga member, libo na rin po.”
Kumpara sa karaniwang kita na P500 per day sa biyahe, sa extra service, umaabot umano ng P1,000 hanggang P3,000 sa bawat transaksyon. Kita na mahirap umanong tanggihan ng nangangailangan katulad ni Kardo na maysakit ang asawa.
“Sa ganung kalakaran kuha mo agad ‘yung pera. ‘Di katulad ‘yung sa papasukin mo sa isang maghapon sa katapusan mo pa siya makukuha,” paliwanag niya.
Ang isa pang rider na itinago sa pangalang Zus, sinabing may nag-alok sa kaniya para makapasok sa extra service na sideline ng trabaho.
“May lumapit po sa akin isang habal sabi niya, ‘Baka gusto mo ng extra service? ‘Yung kahit hindi ka tumambay dito sa isang araw makukuha mo agad ‘yung quota mo.’ Nu’ng una po, akala ko, extra lang sa mga courier, hindi po pala,” pagbahagi niya.
Gaya ni Kardo, kailangan din ni Zus ng dagdag na kita para naman sa anak niyang maysakit sa baga.
“Nu’ng una po kasi ayaw ko kasi ilegal po. Kaya ko lang naman po nagawa ‘to dahil din po sa baby ko po kasi e nasugod po siya sa ospital,” sabi ni Zus.
Aminado sina Kardo at Zus na nakakaramdam sila ng hiya sa kanilang pinasok at nag-aalala rin na baka maapektuhan ang kanilang relasyon sa pamilya.
“Nandiri ako, nu’ng time na ‘yun. ‘Yung buong katawan ko, gusto kong baldehan ng mainit na tubig e. Naisip ko ‘yung asawa ko parang nakokonsensiya ako,” ani Kardo.
Ayon sa health expert na si Dr. Cheridine Oro Josef, hindi dapat ilagay sa peligro ang kalusugan sa naturang gawain.
“Ang number one natin na makuha sa ganitong mga infectious diseases, mga sexually transmitted disease, ibang klaseng sakit na pwedeng makuha gaya ng HIV. COVID, there’s monkeypox. Alam ko po napakahirap ng buhay ngayon pero hindi po ito ang paraan. Kikita po tayo pero magkakasakit naman po tayo,” payo niya.
Ayon kay Zus, plano niyang tumigil sa pagbibigay ng extra service at maghahanap na lang trabaho sa abroad.
“‘Pag nalaman po ito ng pamilya ko pati ‘yung baby ko paglaki niya ano na lang ‘yung sasabihin niya sa akin na ganito,” pahayag niya.
Ang 43-anyos na rider na si Totoy Mackie, sinabing may mga kliyente siya na mas bata sa kaniya at ka-edad lang ng kaniyang anak.
“Siguro may mga 21 lang ata ‘yun [edad]. ‘Naiilang ako parang ka-edad mo lang anak ko.’ ‘Shot tayong dalawa.’ Kinaya ko naman bandang huli nu’ng medyo may tama na kami,” kuwento niya.
Kakapusan din sa pera ang dahilan kaya pinasok niya ang pagbibigay ng extra service. Ang ibang kliyente, sa motel na niya pinupuntahan.
“Kinakapos kami sa bahay. Nagipit ako kaya naisip na ako maghanap ng sideline,” aniya.
Sa ilang pagkakataon, mayroon din kliyente na nagiging biktima ng extra service.
“Naghahanap lang akong makakasamang mag-stroll, hindi ko in-expect na mayroon siyang i-o-offer na extra service,” ayon kay Mark, hindi tunay na pangalan.
Pero pagdating nila sa motel.
“Kinuha niya na ‘yung pera. Naisipan kong lumapit sa barangay pero natakot akong i-judge ako na kasalanan ko ‘yun kung bakit nangyari sa akin ‘yun,” pagbahagi ni Mark.
May paalala ng LTO Road Safety Warrior sa publiko tungkol sa ganitong sistema ng extra service, "Kung may nagreklamo, kung member sila ng any organization, baka tanggalin sila. Sa violation, part of reckless driving then on the act of doing those things sa kalye baka maaksidente sila o sila ang makaaksidente.”
Pakiusap naman ni Jepoy Ellamil, national president ng Rouser Group of the Philippines, isang NGO Riders Group, huwag sanang lahatin ang buong riding community tungkol sa nangyayari ngayon sa mga rider na nag-aalok ng extra service.
“Hindi naman po lahat ng riders ay gumagawa ng ganyan. Huwag n’yo pong lahatin. Huwag naman po sana nating hayaan masira ang riding community,” pakiusap niya.
Sabi naman ng Facebook [Meta] tungkol sa mga gumagamit sa kanilang platform sa ilegal na transakyon: “We do not allow content that facilitates, encourages or coordinates sexual encounters or commercial sexual services between adults and we have removed the reported Groups for violating this policy. We encourage everyone in our community to use our reporting tools to let us know if they see something they think might break our rules.”
Bagaman may mga grupo na ang naalis, pero mayroon pa ring ibang grupo na patuloy ang operasyon.—FRJ, GMA News