Ang bangka na sinasakyan ng mga Alagad ni Jesus ay tulad sa buhay ng tao na sinasalpok din ng mga problema at pagsubok (Mt. 14:22-33).

Mahirap makipagsapalaran sa buhay na ito. Maraming pagsubok at problema ang dumarating lalo na ngayong panahon na pinatindi ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Subalit sa kabila ng mga krisis na ito, nandiyan pa rin ang mapagpalang kamay ng Panginoong Diyos na nag-aahon sa atin mula sa kumunoy ng mga problemang kinalulubugan natin.

Sa Mabuting Balita (Mateo 14:22-33), mababasa ang naramdamang takot ng mga alagad ni Jesus habang sila ay naglalayag sa laot at sinasalpok ng malalakas na alon ang kanilang bangka.

Ang bangkang sinasakyan ng mga Disipulo ay tulad din ng buhay ng isang tao. Sa ating paglalayag sa karagatan ng buhay, paminsan-minsan ay hindi maiiwasang hinahampas din tayo ng mga alon at malalakas na hangin.

Katulad nang naging karanasan ng mga alagad ni Kristo sa Ebanghelyo. Habang naglalayag kasi sila patungo sa kabilang ibayo, ang kanilang bangka ay sinasalpok ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin.

Nabalisa sila at nangamba. Hindi nagtagal ay dumating si Jesus na naglalakad sa tubig. Pero hindi nila kaagad nakilala si Jesus at napagkamalan pa nilang "multo."

Marahil dahil sa matinding takot na kanilang nararamdaman ng sandaling iyon, tinalo nito ang kanilang pananampalataya sa Panginoon.

Tulad ng mga apostol, marami rin tayong kinatatakutan na maaaring maglarawan sa "multo." Gaya halimbawa ng pangamba natin sa pagkawala ng ating mga trabaho dahil sa pandemya.

Mga nasirang plano sa buhay tulad ng naluging negosyo, mga naudlot na plano sa buhay tulad ng pagpapakasal para bumuo na sana ng kanilang sariling pamilya, mga pamilyang hindi magawang magkasama-sama dahil sa pangambang magkahawahan ng virus.

Mayroon ding mga dinapuan ng karamdaman o mahal sa buhay na nahawahan ng virus at ngayon ay nangangamba sa kanilang kalagayan. Mga problemado kung saan kukuha ng panggastos sa pagpapagamot, at marami pang iba.

Dahil hindi natin batid kung ano ang mangyayari sa hinaharap, marami sa atin ang walang katiyakan kung ano nga ba ang mangyayari sa kanilang buhay sa susunod na taon. Papaano na nga ba ang buhay ng pamilya lalo na kung ikaw ang inaasahan?

Pero sa naturang Pagbasa, iniligtas at pinawi ni Jesus ang takot ng kaniyang mga disipulo at nagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa Panginoon.

Sa ating mga nakararanas ngayon na takot sa "multo" ng mga pagsubok o hampas ng alon ng buhay, ipikit ang mga mata at manalangin nang taimtim dahil baka nangungusap din sa atin ang Panginoon at Kaniyang sinasabi na: "Huwag Kayong Matakot, Ako ito."

Tandaan lagi na mas malaki ang kapangyarihan ng Panginoong Jesus kaysa sa anumang kinatatakutan natin sa buhay.  Anumang unos o gaano man kalaki ang alon ng pagsubok sa buhay na humampas sa ating paglalayag sa mundong ito, wala tayong hindi malalampasan basta kasama natin ang Diyos.

Anuman ang mga suliranin at pagsubok sa ating buhay, nariyan ang kamay ng Panginoon na iaabot sa atin upang tayo ay makaahon at makaligtas.

Tulad ng winika ni Jesus kay San Pedro na nalubog noon sa tubig sa isang Pagbasa, sinabi Niya: "Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananalig."

PANALANGIN:  Maraming salamat Panginoon sa patuloy Ninyong pag-alalay sa amin upang malampasan ang mga kinakaharap naming pagsubok sa buhay. Patawarin Niyo po kami kung may pagkakataon na lumiliit ang aming pananalig at nagkakaroon ng pag-aalinlangan sa Inyo. Amen.

 

--FRJ, GMA News