Isang truck driver ang hinuli at tiniketan ng isang traffic enforcer sa Cavite matapos umano niyang labagin ang social distancing. Bukod kasi sa kaniya, katabi niya sa unahan ng sasakyan ang dalawa niyang pahinte. Hanggang ngayon, hindi pa raw niya natutubos ang kaniyang lisensiya dahil sa multang P1,500.
Sa "Sumbungan ng Bayan," ikinuwento ni Fredie Blas, na nasita siya sa isang checkpoint sa Bacoor matapos na magdeliber ng tatlong toneladang frozen na manok.
Ayon kay Blas, ang paniwala niya batay sa kaniyang napanood ay puwede naman daw ang hanggang tatlong katao sa isang truck na nagde-deliver ng essential goods, basta naka-mask sila at walang mga sakit.
Hanggang ngayon daw ay hindi pa natutubos ni Blas ang kaniyang lisensya dahil na rin sa mahinang kita dulot ng kawalan ng biyahe ngayong community quarantine.
Pero paliwanag ni Adel Udarbe, Traffic Operation Officer 3 ng Bacoor Traffic Management Department, mahigpit nilang ipinatupad noon ang ECQ at hindi raw nasunod ni Blas ang social distancing dahil tatlo nga sila sa harapan ng truck.
Bukod dito, tapos na umanong magdeliber ng produkto sina Blas kaya maaari naman daw lumipat sa likod ng trak ang isa sa kanila, bagay na ginagawa raw ng ibang delivery truck.
Sinabi rin ni Udarbe na P1,500 lang ang penalty sa Cavite para sa social distancing, na mas mababa kumpara sa ibang lugar sa Metro Manila na P5,000.
Sa kabila ng paninindigan na nagkasala si Blas, handa naman daw ang Bacoor Traffic Management Department ang driver sa kaniyang problema. --FRJ, GMA News