Dahil sa usapin ng kaniya-kaniyang ari-arian ng magkasintahan, may mga kasal na hindi natutuloy. Dahil ito, pumapasok sa eksena ang usapin ng prenuptial settlement.
Sa programang "Unang Hirit," binanggit ni Atty. Gaby Concepcion ang nakasaad sa Family Code na kapag kinasal na ang dalawang partido nang walang kasulatan, mayroon nang "absolute community" kung saan "co-owners" na sila ng kani-kanilang ari-arian.
Paliwanag ng Family Code Commission, na nasa likod ng Family Code, mas "in keeping" sa kultura ng mga Pinoy ang "absolute community" na pinagsasaluhan ng mag-asawa ang kanilang mga ari-arian.
Napalitan nito ang "conjugal partnership of gains," kung saan pag-aari pa rin ng magkabilang partido ang ano mang pagmamay-ari nila bago ang kasal, at magiging ari-arian lamang nila bilang mag-asawa ang ano mang naipundar nila nang ikasal na sila.
Maging sa mamanahin ay maaaring magkaroon ng karapatan ang asawa.
Kaya naman inirerekomenda ni Atty. Gaby ang pagkakaroon ng prenuptial agreement sa mga magpapakasal kung nais nilang maalis ang agam-agam at pag-aalinlangan patungkol sa kanilang ari-arian.
Pero paalala ni Atty. Gaby, dapat lamang itong ilagay sa kasulatan at at pirmahan bago ang kanilang kasal. Panoorin ang buong pagtalakay sa isyu sa video sa itaas.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--Jamil Santos/FRJ, GMA News