Hindi lang sa hitsura magkatulad ang identical twins na sina Prince Gerald at Prince Karl, maging sa karamdaman magkapareho sila. Kapwa sila may maselang kondisyon sa buto na "osteogenesis imperfecta," o ang pagiging marupok ng buto.

Sa episode ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing normal na isinilang ang kambal noong Oktubre 2009 sa Mabini, Compostela Valley. Pero nang mag-isang-taong-gulang si Prince Karl, nabalian siya ng buto sa binti.

Nang ipasuri, doon na natuklasan na mayroon siyang osteogenesis imperfecta na habambuhay na niyang dadalhin. Pagkaraan ng isang buwan, si Prince Gerald naman ang nabalian at dito na rin natuklasan na taglay din niya ang naturang karamdaman.

Sa paglipas ng mga taon, nag-iba na ang korte ng mga binti at braso ng magkapatid.

Hirap na silang kumilos at lagi na lang nakahiga para maprotektahan at nang hindi na lumalala pa ang kanilang kalagayan. At kapag nakaupo, kailangan lagi silang may masasandalan.

Sa kabila ng kanilang kondisyon, pursigido pa rin na mag-aral ang kambal. Kahit bumaluktot na ang kanilang mga binti at braso, nagagawa pa rin naman nilang humawak ng lapis para makasulat at makaguhit.

Para maihatid sa eskwelahan, isinasakay ang kambal sa dalawang habal-habal. Kailangan din na maingat silang ilagay sa kanilang upuan upang hindi masaktan.

Kasabay ng isinagawang pagpapasuri sa kambal, tinuruan ang mga magulang ng kambal kung papaano ang tamang pagbuhat at paghawak sa kanilang mga anak upang hindi na lumubha ang kanilang kalagayan.

May natanggap ding regalo ang kambal para mapagaang ang kanilang kalagayan. Panoorin:

Click here for more GMA Public Affairs videos:


--FRJ, GMA News