Dahil sa mga problema, pagsubok o suliranin sa buhay, hindi maiiwasan na makaramdam ng lungkot ng isang tao lalo na kung may mabigat na pinagdadaanan. Ngunit may paraan daw para mapawi ang lungkot at maibalik ang saya  kung mapapagana ang "happy brain chemicals." Papaano ito magagawa? Panoorin.

Sa programang "Mars," ipinaliwanag ni Dr. Toffee De Jesus, psychologist, na may happy brain chemicals na Dophamine, Oxytocin, Serotonin at Endorphine, ang mga tao na mas madaling tandaan sa acronym na D.O.S.E.

Maaari din umanong makuha sa mga pagkain at mga gawain ang naturang apat na kemikal.

Ang dopamine ay isa umanong "reward chemical" na lumalabas kapag ang isang tao ay nakakatapos o napagtatagumpayan ang isang gawain. Lalo pa itong nadadagdagan kapag nagkaroon ng "sense of achievement" ang isang tao.

Ang oxytocin naman daw ay "chemical of socialization," na nagsisimula mula pa sa pag-breast feed ng nanay sa kaniyang anak, na nagdudulot ng "soothing feeling." Nakakatulong daw ang pagyakap o pagkarga sa sanggol para dumami ang oxytocin.

Kung wala namang anak o asawa, nakakatulong ang pagyakap sa mga alagang hayop para mapadami ang oxytocin.

Ang serotonin naman ay "mood regulator" na nakikita sa "gut." Dahil dito, sinabing magagalitin din ang isang tao kapag siya ay gutom.

Nakukuha ang serotonin sa saging, kaya maaari ding makatulong ang naturang prutas kapag may depresyon. Dumarami rin umano ang serotonin kapag nagbibilad sa araw.

Samantalang ang endorphine ay isang pain regulator na tumutulong para humupa ang nararamdamang sakit o stress ng isang tao. Ito ang dahilan kung bakit umano hindi masyadong nararamdaman ng tao ang mga open wounds sa balat.

Sinabing hindi kailangang mapagod sa ehersisyo ang tao para maging aktibo ang endorphine kundi "consistency" lamang. Halimbawa umano nito ang 10 minutong paglalakad kada araw.

Panoorin ang buong talakayan tungkol sa 'happy brain chemicals" sa video na ito.

--FRJ, GMA News