Nasawi ang isang batang lalaki, habang sugatan ang kaniyang mga magulang matapos mabangga ng van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Bohol. Ang ginang na limang-buwang buntis, nakunan.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya noong Martes sa Sikatuna, Bohol.

Sa CCTV footage, makikita na tinumbok ng humaharurot na van mula sa likuran ang motorsiklo.

Tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo na minamaneho ng padre de pamilya, at angkas niya ang kaniyang mag-ina.

Nasawi ang kanilang anak na lalaki na pitong-taong-gulang, habang sugatan at nalaglag ang ipinagbubuntis ng ginang.

Sugatan din ang padre de pamilya.

Hindi naman kaagad tumigil ang van, pero sumuko kinalaunan ang driver nito sa mga awtoridad sa Tagbilaran City.

Ayon sa ulat, nangako ang driver na tutulong sa pagpapagamot sa mga biktima at pagpapalibing sa mga nasawi.

Sasampahan siya ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries and damage to property.-- FRJ, GMA Integrated News