Iginiit ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa nitong Linggo na nagbibiro lang si dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pahayag na "patayin" ang 15 senador para magkaroon ng bakante sa Senado.

“Hay! Hanggang ngayon... ‘di pa niyo kilala si Pangulong Duterte, ‘no? Hanggang ngayon, ganoon pa rin? Ganoong statement, bigyan niyo ng weight? Klaro naman ‘yun na biro,” pahayag ni dela Rosa nang hingan ng reaksyon sa sinabi ni Duterte sa isang pagtitipon sa Quezon City.

“Kung talagang totoo... gusto niyang pumatay ng 15 na senador, bakit niya i-announce? Klarong-klaro na nagpapatawa siya,” dagdag pa ni Dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police sa termino ni Duterte.

Ginawa ni Duterte ang pahayag sa proclamation rally ng PDP-Laban, na dinaluhan din ng kaniyang mga anak na sina Vice President Sara Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte.

"Patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo ng mga 15  na senador, pasok na tayong lahat... Talking of opportunities, the only way to do it is pasabugin na lang natin,” ayon sa dating pangulo sa kaniyang talumpati sa naturang pagtitipon.

Nitong Sabado, tila nagpasaring si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naturang pahayag ni Duterte nang magsagawa ng campaign rally sa Davao del Norte ang sinusuportahan niyang mga kandidato sa pagka-senador.

"Narinig lang natin nung isang araw, wala daw pag-asa siguro... wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Sabagay, mahirap naman ang ibang tao, ang iniisip lang nila ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakakapagtaka kung bakit ganoon," saad ni Marcos.

Ilang nakaupong senador ang nagbigay din ng pahayag tungkol sa naturang usapin, kabilang si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.

Ngayong Eleksyon 2025 sa Mayo, kabilang sa mga ihahalal ng mga botante ang 12 senador.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News, GMA Integrated News