Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa inuupahan niyang bahay sa Caloocan City.
Nangyari ang insidente sa Barangay 178 mag-aalas dos ng madaling araw nitong Lunes.
Nagtamo ang 33-anyos na biktima ng mga tama ng bala ng baril sa kanyang ulo at katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang biktima at kanyang kinakasama nang may kumatok at tinawag ang pangalan ng biktima.
Kuwento ng isang residente, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril.
Nasundan aniya ito ng paghingi ng tulong ng kinakasama ng biktima.
“Putok lang, (mga) dalawa tapos dumungaw ako diyan sa bintana. Nakita po paalis na diyan ‘yung dalawang motor,” sabi ng residente na hiniling na huwag siyang pangalanan.
Sa CCTV footage, nahagip ang apat na salarin na palabas ng eskinita.
Nakasuot ng sombrero ang dalawa, naka-helmet ang isa, habang nagtatakip ng mukha gamit ang hood ng jacket ang isa pa.
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.
Napag-alaman na ilang buwan pa lang nangungupahan sa lugar ang biktima.
Nakuha ng SOCO ang dalawang basyo ng bala sa pinangyarihan ng pamamaril. —KG, GMA Integrated News