Itinuturing bayani ang isang aso na isinakripisyo ang sariling buhay sa paglaban sa cobra upang protektahan ang kaniyang fur parent na natutulog sa kubo sa Goa, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Martes, sinabing nagising si Emmanuel Onsay, na naghihingalo na ang kaniyang alagang aso na si "Kankan."

Sinubukan pa nila itong i-revived at dalhin sa beterinaryo pero binawian din ng buhay.

Nakita nila sa kubo ang isang patay na cobra na pinaniniwalaang napatay din ng aso.

Ilang manok din nila ang nakitang patay.

Para kay Onsay, bayani ang kaniyang alaga, at utang niya rito ang pangalawa niyang buhay.

Paliwanag ng veterinarian na si Dr. Marynade Atole-Orgaya, sadyang protective ang mga aso sa kanilang mga amo na itinuturing nilang bahagi ng kanilang "pack" o grupo.-- FRJ, GMA Integrated News