Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang babaeng pitong-taong-gulang sa Barangay Digkilaan, Iligan City. Ang suspek, isang lalaki na 14-anyos.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing inamin ng suspek na binagsakan niya ng bato ang biktima sa ulo.
Ayon kay Iligan City Police Office Spokesperson Major Zandrex Panolong, inihayag din ng menor de edad na isang pastor umano ang nag-utos sa kaniya na gawin ang krimen.
“According sa statement sa minor ang nag-utos sa kaniya kung hindi daw niya mapapatay ang bata, siya daw ang papatayin. So parang wala siyang choice. Tapos parang may (problema sa pamilya) ang party ng nag-utos at ang bata (na pinatay)," pahayag ni Panalong.
Patuloy ang imbestigasyon sa krimen at nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek.
“Ang kaniyang revelation is binagsakan daw niya ng bato ang ulo pero nakita ko na may sugat na parang resulta ng matalas na bagay," sabi pa ng opisyal. --FRJ, GMA Integrated News