Isa ang nasawi, habang dalawa ang sugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo at bumangga sa puno sa Basista, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, makikita sa video na nakahandusay sa tabi ng puno at motorsiklo ang dalawa sa mga biktima sa Barangay Obong.

"Mabilis sila. Lumundag ngayon ang motorsiklo tapos yung nasa likod na backrider yung namatay. Gumewang- gewang hanggang napunta na lang sa gilid at bumangga sa puno," ayon kay PSSG. Ryan Diano, investigator, Basista Police station.

Nagpapagaling pa ang rider at ang isa pang angkas na nakaligtas sa aksidente. Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga biktima, ayon sa ulat.

Sa Calasiao, Pangasinan, nasawi rin ang 38-anyos na rider na si Francis Rivera, nang bumangga siya concrete barrier.

Ayon sa asawa ng biktima, mauwi na si Rivera galing sa trabaho nang mangyari ang trahediya. Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.--FRJ, GMA Integrated News