Timbog ang dalawang mangingisda dahil sa paggamit nila umano ng dinamita sa pangingisda sa Bataan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Oliver San Miguel at Rizon Dela Cruz, na papalaot na sana nang dakipin ng mga awtoridad sa baybayin ng Barangay Lamao.
“Ang napansin ko is kapag mahuli sila, grabe silang magmakaawa, pero batas po ‘yan, nilalabag po nila ang batas. Kahit po nakikita natin na nasa kahirapan po sila, sana ‘wag na nilang gawin,” sabi ni Police Major Jonathan Dayaoen Jr., Station Chief ng PNP Maritime Group – Bataan.
Ayon sa pulisya, may mga nakuha sila sa bangka.
“Kumpleto po ‘yung gamit, may bote, may blasting cap. ‘Yung mga blasting cap na narekober namin is bago pa talaga. Ang isasampa nating reklamo laban sa kanila ay ‘yung fishing through explosives,” ayon pa kay Dayaoen.
Nahaharap sa reklamong fishing with explosives ang mga suspek, na wala pang pahayag.
Ang pulisya naman, nagbabahay-bahay na sa lugar upang magpaalala na itigil na ng mga mangingisda ang pagdidinamita. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News